Doble ang pag-iingat ni Alden Richards upang mapangalagaan ang kaniyang sarili at ang kaniyang pamilya laban sa COVID-19. Pero bukod dito, hindi rin pinabayaan ng aktor ang mga empleyado sa kaniyang mga negosyo na naapektuhan din ng pandemic.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ikinuwento ni Alden na bahagi ng kaniyang pag-iingat at para maprotektahan na rin ang miyembro ng kaniyang pamilya ay ang hindi na umuwi ng Laguna kapag may trabaho siya sa Maynila tulad ng "Eat Bulaga."

Sabi ni Alden, pinapalipas na muna niya ang dalawang linggo bago siya umuwi sa kanilang bahay.

Natutuwa naman si Alden sa kaniyang mga pinagtatrabahuhan dahil sinusunod naman ang mga health protocol tulad sa isang shoot na ginawa niya para sa isang commercial endorsement.

At pagdating sa kaniyang mga empleyado sa kaniyang negosyong restaurant at fast food joint, hindi raw sila nagtanggal at sa halip ay nagpatulad na lang ng scheduling para patuloy silang makapagtrabaho.

Sinabi rin ng aktor na nagkaloob din sila ng tulong sa kanilang mga empleyado lalo na noong ipatupad ang ECQ o enhanced community quarantine.

Samantala, inihayag din ni Alden na kapag maayos na ang lahat ay nais pa rin niyang ituloy ang na-postpone niyang concert nitong July dahil sa pandemic.

Mahalaga kay Alden ang naturang concert dahil bahagi ito ng kaniyang pagdiriwang ng ika-10 taon niya sa showbiz.--FRJ, GMA News