Inilahad ni RJ Padilla ang kaniyang saloobin sa hindi inaasahang COVID-19 pandemic na nataon sa kaniyang pagbabalik-showbiz.
"Ayoko 'nyan," birong bungad ni RJ nang tanungin ni Paolo Contis, host ng online talk show na "Just In," tungkol sa timing ng pandemic sa kaniyang pag-uwi sa Pilipinas at pagbabalik din niya sa showbiz.
"'Yun na nga Kuya Pao, pero alam mo 'yun, sa nangyayari ngayon kahit paano nagbibigay pa rin ng grasya ang Panginoon, 'yun naman ang nakakatuwa sa lahat," seryosong sagot na ni RJ.
Sa kabila ng mga pangyayari, hindi naman daw nawala ang pananampalataya ni RJ sa Panginoon.
"Kasi laging nandiyan ang Panginoon para sa'yo eh, 'yun naman ang pinakaswabe," patuloy ng aktor na kasama sa gag show na "Bubble Gang."
Nagpasalamat din si RJ na nakagawa sila ng mga bagong proyekto ang kinabibilangan niyang grupo na P.A.R.D., na mga kasamahan din niya sa "Bubble Gang" ang kasama.
"Though natigil 'yung 'Bubble Gang' pero 'yun awa ng Diyos nagkaroon ng P.A.R.D. ulit, nakagawa tayo ng panibago," sabi niya.
Pinasok na rin daw ni RJ ang gaming.
Matatandaang lumipad si RJ kasama ang pamilya sa Australia noong 2017. Pero muli siyang bumalik sa showbiz Enero nitong taon.--Jamil Santos/FRJ, GMA News