Idinetalye ng award-winning director na si Jose "Joey" Javier Reyes ang hirap na pinagdadaanan ngayon ng film industry dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon sa premyadong direktor, bukod sa pangamba ng mga artista at crew na mahawa ng virus habang nagtatrabaho, may ang pangamba rin na baka hindi kumita ang kanilang piangpagurang pelikula dahil sa limitasyon sa mga sinehan.
"Grabe talaga. Katulad din sa lahat ng industriya. I think worse than the virus is the economic meltdown. The economic meltdown that follows such a major pandemic," saad ni direk Joey nang makapanayam ni Howie Severino sa online program na "Quarantined with Howie Severino."
Inilahad ni direk Joey na base sa protocol, kinakailangan munang magpa-rapid testing ang production staff dalawang linggo bago simulan ang shooting. Kapag nag-negative ang lahat, dalawang linggo munang magkakasama ang crew para masigurong walang may sakit.
"Then pupunta kayo sa set, walang uwian. Uuwi ka lang kapag tapos na ang shooting at two weeks ka rin kailangang mag-quarantine. So, can you imagine, you lose one month in your life just waiting to find out," saad ng direktor.
Dahil dito, may pangamba si Reyes sa dagdag na gastos ng mga producer para pakainin at ibahay ang lahat ng kanilang staff sa loob ng anim hanggang walong linggo.
"Tapos may sinehan ba? May sinehan bang bukas? Pagbukas ng sinehan, may social distancing. Ang capacity ng sinehan lamang, Howie, is one third its original capacity. Paano kikita ang pelikula kung one third?," pahayag niya.
"Every two seats ang upo ang nanonood, eh. Kung may manood, ha, pagbukas ng pelikula. So in other words, it's really an uphill battle. It's hintayan. So that’s why everybody is waiting for the vaccine," patuloy ni direk Joey.
Dahil sa "new normal," nagiging pagsubok rin ang pagkuha ng mga eksenang may halikan.
"Well, magkakaproblema doon kasi love... I mean physical contact with social distancing does not exist, hindi ba? You can't be six feet apart and express love for one another," saad niya.
Base raw sa protocols, papayagan ang kissing o love scenes kung may mga health certificate ang mga aktor na malusog sila at walang COVID-19. Gayunman, kailangan pipirma sila ng dokumento na pumapayag sila sa eksena.
Puwede rin daw sa kissing scenes ang mag-asawa.
Hindi naman aniya pinapayagan ng DOLE ang mga bata, menor de edad o mga senior citizen. Pero kung malusog naman ang isang senior citizen, may kakayahan at willing na magtrabaho, pinapayagan ito. -- FRJ, GMA News