Ikinuwento ni Paolo Contis na nag-improvise siya sa ilang linya niya sa pelikulang "Through Night and Day" para maging natural ang mga eksena nila ni Alessandra de Rossi. Ibinahagi rin niya ang hirap ng pag-shooting sa Iceland na -10 degrees ang lamig.
"Actually thankful kami kay direk Ronnie (Veronica Velasco). Actually bago pa lang kami magsimula ng shooting, nakita na ni direk Ronnie na hindi ako sumusunod sa dialogue talaga, kung anu-ano 'yung sinasabi ko," kuwento ni Paolo sa panayam sa kaniya sa GMA News "Unang Hirit."
"Sabi niya sa akin, 'Bahala ka na nga. Ganoon din naman si Alex eh," ayon pa kay Paolo.
"Ang hirap lang kapag nagte-take two or nag-iiba ng shot, ang hirap ng continuation kasi iba naman 'yung sasabihin namin the next. Medyo mahirap pero naging natural pa rin na tingnan siya," kuwento pa ng aktor.
Dahil nasa ibang bansa sila, tumulong na rin si Paolo sa ibang behind-the-scenes ng pelikula.
"Sa Iceland kasi siyempre kapag nagsu-shooting kayo ng ibang bansa tulong-tulong na 'yan eh. Ayan 'yung mga hindi nakikita ng tao, nagbubuhat ako ng ilaw papunta sa location... sobrang saya," patuloy niya.
May mga pagkakataon din daw na hindi na nila kinaya ang lamig.
"'Yung mga dialogue namin nu'n na kailangang hindi nanginginig. Negative 10 kami noong nagsu-shooting. May mga times na dinub na namin kasi talagang 'Bluh bluh bluh bluh.' Ganoon na kami mag-dialogue, hindi kaya eh," kuwento pa ng Kapuso actor.
Biro pa ni Paolo, hindi na rin daw siya naliligo minsan dahil sa lamig.
"Ang mali ko lang, kasi madalas naman akong nakapag-America na lamig, so feeling ko kaya ko na sa isang heat tech, feeling ko kaya na 'yon, 'yun lang 'yung baon ko, so pagdating ko, medyo nakakanginig siya... 'Yung mga suot ko, dalawang maong. Daming medyas, paulit ulit na. Tsaka bihira akong maligo, ang lamig," natatawang niya sabi.--FRJ, GMA News