Hindi napigilan ni Lola Inang na maiyak nang magbigay siya ng mensahe para kay Willie Revillame para magpasalamat at ihayag kung saan niya gagamitin ang P20,000 na regalo sa kaniya ng "Wowowin" host.

Kahit hindi pa natatanggap ni Lola Inang ang pera dahil hindi pa alam ng staff ng "Wowowin" kung saan ito ipadadala, hiningan na siya ng kaniyang apo na si Cong TV ng mensahe para kay Kuya Wil na ipinost sa kaniyang Youtube channel.

WATCH: Lola na biniro ng apo na kunwaring tinawagan ni Kuya Wil, nakatanggap ng regalo

WATCH: Lola ni Cong TV, hinahanap ang P20k na bigay ni Kuya Wil

Biniro pa ni Cong TV ang kaniyang lola na galingan ang mensahe para matuwa si Kuya WIl at madagdagan ang ibibigay na regalo sa kaniya.

Pero sa panimula pa lang ng mensahe ng matanda, naiyak na siya dahil gagamitin daw niya ang perang ibibigay ni Kuya Wil para maipaayos ang puntod ng kaniyang namayapang anak na tagahanga rin ng TV host.

"May panggawa na ako ng puntod ng aking anak," sambit ni lola.

Ayon kay Cong TV, may down syndrome ang tinutukoy na anak ni Lola Inang, na Shierly ang pangalan, at kaniyang tita.

Pitong taon na umano ang nakalilipas nang pumanaw ito sa edad na 32, at nakalibing sa Zambales.

Kuwento ni Lola Inang,  lumuwas sila noon ni Shierly sa Maynila para manood sana sa programa ni Kuya Wil pero hindi natuloy dahil bigla itong nagkasakit kaya dinala sa ospital, at kinalaunan ay pumanaw.

Sabi ni Cong TV, ang panonood ng programa ni Kuya Wil ang nagsisilbing bonding nina Lola Inang at Shierly. 


Dahil sa kuwento ni Lola Inang, hindi na nagawang biruin ni Cong TV ang kaniyang lola, na una niyang sinabihan na dalawang mata ang paluhain para doble ang matanggap na regalo kay Kuya Wil.

Pero sa huli, nagawa pa rin namang pasayahin ni Cong TV ang kaniyang lola sa pamamagitan lang ng pagsigaw ng "Hep Hep! Hooray!.--FRJ, GMA News