Magbabalik sa telebisyon ang "Wish Ko Lang" para magbigay pag-asa at inspirasyon lalo ngayong may COVID-19 pandemic.
Magsisimula ang special season ng Kapuso award-winning public service program, na hino-host ni Vicky Morales sa Sabado, Hulyo 11, 2020.
"As the world continues to face the pandemic and its effects on our lives, there is a need for us to be inspired, to be reassured that we will get through this together. We just need to continue to hope. And 'Wish Ko Lang' aims to spark that hope among the hearts of everyone,” sabi ni Vicky.
“I am grateful that I get to be the ‘fairy godmother’ again—even for the time being—and help our Kapuso in these trying times. Walang imposible kahit sa panahon ng pandemya hangga’t tayo ay hindi nawawalan ng pag-asa,” sabi pa ni Vicky.
Para sa buwan ng Hulyo, si Sigrid Andrea Bernardo, na kilala sa mga pelikulang "Kita Kita" at "Untrue," ang nagdirek ng mga dramatization segment ng mga episode.
Para sa unang dalawang episode nito, itatampok ng "Wish Ko Lang" ang mga kuwento ng batang breadwinner na si Manny at ang construction worker na ina na si Joan.
Mahilig sa basketball, pangarap ni Manny na mapabilang sa varsity team ng kaniyang eskuwelahan. Ngunit kinailangan niya muna itong isantabi nang maging breadwinner siya ng pamilya dahil sa COVID-19 pandemic.
Tuwing umaga, nagbebenta siya ng samu't saring kagamitan sa bahay, habang naglalako naman siya ng balut sa Caloocan sa hapon.
Ipinanggagastos sa gamot ng kaniyang mga magulang at kanilang pagkain ang kaniyang kita.
Matapos mahulog sa construction site, naging disabled ang kaniyang ama. Habang nagkaroon naman ng tuberculosis ang kaniyang ina.
Gusto pa rin ni Manny na gamitin para sa enrollment at pambili ng kagamitang pangbasketball ang kaniyang munting ipon, pero dahil sa bago niyang tungkulin sa pamilya, hindi na siya tiyak kung makakapasok pa siya sa eskuwela.
Samantala, nagbebenta naman si Joan ng mga prutas sa Laguna, habang naging construction worker ang asawa niyang si Sherwin sa Rizal.
Pareho silang nawalan ng trabaho nang ipatupad ang enhanced community quarantine. Naging localized stranded individual (LSI) si Sherwin at hindi makauwi sa pamilya.
Dahil dito, nagpasiya si Joan na mag-apply sa construction sa kanilang lugar at maging katulong pa bilang sideline, para makapagbigay sa pamilya.
Nag-aalala naman siya para sa kaniyang asawang si Sherwin na hiling niyang magkasama silang muli at haraping magkasama ang pagsubok na dala ng pandemya.
Magkakaroon naman ng pagkakataon ang mga manonood na ipahayag ang kanilang kahiligan at ibahagi ang kanilang kuwento na maaaring maitampok sa mga susunod na episodes.
Muling mapapanood ang Wish Ko Lang! sa Sabado, ng 4 p.m. sa GMA-7. --FRJ, GMA News