Inihayag ni Kylie Padilla na nakaranas siya ng pre-natal depression nang ipagbuntis niya si Baby Axl Romeo.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News “24 Oras,” sinabi ni Kylie na hindi madali ang mag-alaga ng dalawang tsikiting.
Ante partum depression ang naranasan ni Kylie kay Axl, na iba sa naranasan niya noon kay Alas na post-partum depression.
“Feeling ko ’yung katawan ko nagre-recover pa, iba-iba eh but then ’yung hormones, nu’ng nabuntis ulit ako parang hindi pa siya nag-stabilize tapos umangat. Ewan ko, I don’t know to explain it,” kuwento ni Kylie.
Para maibsan ang nararanasan, nagtayo ng kaniyang businesses si Kylie para maibaling ang kaniyang passion at creativity.
Kaya naman nasabi niya na bukod kay Axl, ipinanganak niya rin ang kaniyang mga negosyo.
“It takes a village to raise a kid ’di ba? So dalawa na. Talagang time management lang, ’yun ang natutunan ko din. Okay, so in this moment nanay ako, in the moment ka dapat nagiging nanay ka. Tapos kapag tulog na, business naman. Asawa naman,” sabi ng Kapuso actress.
Pansamantalang nawala si Kylie sa limelight nang isilang niya si Axl Romeo noong Disyembre.
Samantala, may kurot pa rin sa puso ni Kylie sa tuwing naaalala niya ang pagganap niya bilang si Sang’gre Amihan, lalo nang pinanood niya ulit ang Encantadia.
Matatandaang kailangan ni Kylie na magpaalam matapos niyang ipagbuntis noon ang panganay na si Alas sa kalagitnaan ng fantaserye.
“Nakakalungkot pala talaga, parang ... Nag-sigh na lang ako nang malalim na, sayang. Kaya nga nagdadasal ako, nananalangin, sana may season 2, pagbigyan ako ulit, magtiwala ulit sa akin. Kasi feel ko talaga si Amihan may unfinished business ako sa kaniya,” sabi ni Kylie.
Natuwa si Kylie nang mas dumami pa ang Encantadiks na sumusubaybay sa mundo ng Encantadia nang muli itong ipalabas kamakailan.
“Natutuwa ako kasi siyempre nabuhayan sila tapos ’yung mga bagong nanonood, siyempre gusto ko makita nila ’yung ganda talaga ng story ng Encantadia, ’yung mundo ng Encantadia. Gusto kong i-share sa kanila ’yon.” – Jamil Santos/RC, GMA News