Nakapagtapos na si Thea Tolentino sa kolehiyo sa kursong Bachelor of Arts in Business Administration sa Trinity University of Asia nitong Hunyo. Pero dahil sa COVID-19 pandemic, sa online muna ginawa ang kanilang seremonya ng pagtatapos.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing pinagsabay pa ni Thea ang pag-aaral at kaniyang pag-aartista.
"Minsan talaga 'pag galing taping, makakapunta ng school walang ligo, ganoon," natatawang kuwento ni Thea.
"Talagang tinyaga ko kahit duling na ako minsan. Tapos very considerate din kasi 'yung mga professor tsaka may mga classmates ako na talagang willing to help kaya nairaos ko talaga siya," dagdag pa ng Kapuso actress.
Para kay Thea, iba pa rin ang may pinag-aralan at may hawak na diploma, kahit pa na kumikita na siya sa kaniyang pag-aartista.
"Ang education kasi is a good learning opportunity para sa kahit kanino dahil madadala mo siya buong buhay mo," sabi ng aktres.
Nakatakda sanang magmartsa si Thea na nakasuot ng toga sa Hunyo 8 na minarkahan na niya sa kalendaryo.
Pero dahil sa pandemya, sa online na lang ang ginawang graduation ceremony na ginanap nitong Sabado, Hunyo 20.
"Dapat nandoon na kami sa stage, naka-toga, hindi siya natuloy. Pero sinabi naman sa amin na next year, magho-hold pa rin ng actual ceremony. So sana matuloy," hiling ni Thea.
"'Yung mga professors lang 'yung nandoon and they announce all the names ng lahat ng grumaduate," ayon pa kay Thea.
Nag-iisip na raw si Thea ng mga puwedeng gawing negosyo ngayong naka-quarantine at wala pa siyang taping.
Naiisip daw ng aktres ang food business franchise.
"Sa mga ganitong pangyayari, maganda 'yung may business ka na necessities kasi sila 'yung mga hindi nagsasara," ayon kay Thea.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News