Inihayag ni LJ Reyes na hindi siya pinapayagan ni Paolo Contis na lumabas ng bahay para mamili ng mga kailangan nila ngayong may COVID-19 pandemic. Ang dahilan, mas pipiliin daw ng aktor siya na lang ang lumabas at magkasakit kaysa ang kaniyang misis para na rin sa kapakanan ng kanilang mga anak na sina Aki at Summer.

"Ako talagang hindi niya ako pinapalabas. Nagbo-volunteer na nga ako, 'Sige na ako na ang maggo-grocery.' Ayaw niya talaga," kuwento ni LJ sa Kapuso Showbiz News.

Dahil sa ipinagtupad na community quarantine, isa lang sa miyembro ng pamilya ang pinapayagang lumabas ng bahay para mamili ng mga kailangan.

Binansagang "alay" ang mga taong naatasang lumabas ng kanilang mga bahay para mamili.  

"Kasi sabi niya kapag ako daw ang nagkasakit kawawa naman daw ang mga bata. Siyempre especially si Summer, nagbe-breastfeed pa rin kasi talaga ako. 'Yun ang point niya na mas malapit ako lagi doon sa mga bata. If ever baka meron sa aming magkasakit, okay daw na siya na lang," kuwento pa ni LJ.

Unti-unti naman na daw na natatanggap ni Paolo ang "new normal."

"Medyo nasasanay na rin sa nangyayari. Nandu'n na ako sa point na kailangan nang tanggapin na ito na 'yun, ito na ang buhay. Pero siyempre marami ka pa rin worries sa buhay mo, especially may baby ka sa bahay," sabi ni Paolo.

Nagpapasalamat naman ang showbiz couple na magkakasama silang pamilya ngayong quarantine, at nasasaksihan nila ang milestones nina Aki at Summer.

Mas nakilala pa raw nina LJ at Paolo ang isa't isa.

"Na-realize niya (LJ) kung gaano ako katamad," pabirong sagot ni Paolo.

"Na-realize ko na kahit pala quarantine, hindi niya kayang aralin 'yung pagluluto, hindi niya talaga kaya 'yon," sabi ni LJ.

"Kami naman sanay naman kami na laging magkakasama kasi iisa 'yun sa mga talagang value namin as a family na gusto namin as much as possible, we spend quality time talaga together," ayon pa kay LJ. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News