Pumanaw na sa edad na 95 ang isa sa mga haligi ng Philippine cinema at itinuturing “oldest active actress” sa bansa na si Anita Linda.

Si Anita Linda, ay si Alice Buenaflor Lake sa tunay na buhay, at isinilang noong November 23, 1924.

Ibinahagi ni Director Adolf Alix, Jr., ang malungkot na balita sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkules,  na kinumpirma naman ng anak ni Anita na si Francesca Lake-Legaspi.

Ayon kay Direk Adolf, pumanaw ang beteranang aktres dahil na rin sa kaniyang edad dakong 6:15 a.m.

Nag-post din ang direktor ng larawan ni Anita sa Instagram na may nakasaad na, "This is a very sad day for me."

“I am trembling as I am gathering my thoughts... She is like my Lola and part of my family,” saad ni direk Adolf sa caption ng larawan.

 

 

Nakagawa ng napakaraming pelikula si Anita, kabilang ang mga award-winning films tulad ng “Lola,” Alix’s “Adela," at “Ang Babae sa Bubungang Lata."

Sa “Ang Babae sa Bubungang Lata," nanalo si Anita ng FAMAS award for Best Supporting Actress sa edad na 74, dahilan para kilalanin siya na pinakamatandang aktres na nakatanggap ng naturang parangal.

Noong nakaraang taon, kinilala ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang kontribusyon ni Anita sa industriya ng Philippine cinema, na nagdiriwang ngayon ng ika-100 taon anibersaryo.--FRJ, GMA News