Mula sa pagiging isang singer, nagpiloto at ngayo'y isa nang Army reservist at frontliner pa si Ronnie Liang. Ano nga ba ang nag-udyok sa kaniya para maglingkod sa bayan?
"Nag-umpisa siya during the Marawi siege. Gusto kong mag-volunteer kahit i-serenade 'yung mga kababayan natin doon," kuwento ni Ronnie sa "Kapuso Mo, Jessica Soho."
"Year 2018 nagkaroon ng pagkakataon sa isa sa mga event na may mga na-meet akong Army officials. From there tinake [take] ko 'yung opportunity na mag-show ng intent na gusto kong mag-sign up to be a reservist," patuloy niya.
Ayon kay Ronnie, hindi biro ang pinagdaanan niyang training kung saan gumigising siya nang maaga, tumtakbo ng ilang kilometro nang walang almusal, nabibilad sa init ng araw at iba pa.
Pero matapos ang 45 araw na pagsasanay, napabilang na siya sa reserve Army.
"Isang karangalan ang makapaglingkod sa bayan," ayon kay Ronnie. "And nakakataba ng puso kapag nakikita namin, natutulungan namin na masaya sila, like 'yung mga hinatid namin."
Dahil sa pagiging frontliner na naghahatid at sundo ng mga medical frontliners, magbabatay sa checkpoint, at naghahatid ng pagkain sa mga kapus-palad, hindi pa raw nakakauuwi si Ronnie magmula noong mag-lockdown.
Mino-monitor lang daw niya sa pamamagitan ng kanilang CCTV na connected sa kaniyang cellphone ang kaniyang mga mahal sa buhay.
Mahigpit din ang bilin niya na hanggat maaari ay huwag palalabasin ng bahay ang 65-anyos niyang ama na nagkaroon dati ng sakit sa baga upang hindi madapuan ng nakamamatay na virus.
Ang ama naman ni Ronnie na si Mang Rogelio, proud na proud sa kaniyang anak.
"Proud na proud naman ako sa'yo. Lahat ng mga naisipan mong pasukin ay pinagtatagumpayan mo. Mahal na mahal kita," sabi ni Mang Rogelio sa kaniyang anak na si Ronnie.-- FRJ, GMA News