Sa Scotland na ngayon naninirahan at nagtatrabaho bilang bus driver ang dating miyembro ng sikat na dance group na "Streetboys" na si Spencer Reyes. Papaano nga ba siya napunta sa naturang bansa at iniwan ang showbiz sa Pilipinas?
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing nagtapos ng nursing si Spencer noong 2004. At nang magkapamilya, nagtrabaho siya sa isang nursing home sa United Kingdom noong 2008.
"Sinacrifice ko 'yung showbiz, 'yung career ko diyan. Masakit, ang dami 'kong iniwan especially mga mahal ko sa buhay. Back to zero ako," emosyonal niyang kuwento.
Pero makaraan lang ng isang taon, nakuha niya ang kaniyang mag-anak at dinala sila sa England, habang sa malipat sila sa Scotland kung saan nandoon ang kapatid ng kaniyang asawa.
Mula sa pagtatrabaho sa nursing home, lumipat naman siya ng trabaho bilang bus driver.
"Sabi ko [sa asawa ko] 'yan ok 'yan kasi 'di ako maselan. I want to prove to myself na kaya ko mag-progress," saad niya.
Hindi umano naging madali ang proseso bago siya naging driver ng bus kung saan sumailalim siya sa mga pagsusulit at ilang buwan na pagsasanay.
"Ang examination dito napakahirap. Dalawang beses lang po kayo magta-try. 'Pag hindi po kayo pumasa ng dalawang beses, di na kayo makakapag-drive," kuwento niya.
Dalawang taon nang driver ng bus si Spencer at nang magkaroon ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic, naging frontliner siya dahil siya ang naghahatid sa mga healthcare worker.
"Dito meron silang clapping respect for the frontliners. Lahat ng tao lalabas papalakpakan ka. Ang sarap ng feeling kasi ako nagda-drive tapos lahat ng tao nakatingin tapos papalakpak sa 'yo," ayon kay Spencer.
Nagkaroon din ng pagkakataon si Spencer na makausap via video chat ang dati niyang ka-love team na si Ice Seguerra.
Biro ni Spencer kay Ice na dating kilala bilang si Aiza Seguerra, "Malakas magsikmura yan. Alam niya 'yung mga ano eh. Hindi lang suntok, sinisiko mo pa ako."
Kuwento ni Ice tungkol kay Spencer, "Actually si Ping, kapag nasa taping kami, masaya kaming magkausap niyan kapag hindi kami pinagpa-partner sa bawat isa, masaya kami magkausap."
Natutuwa si Ice sa narating na ni Spencer at sa pagiging frontliner nito.
Payo niya sa kaibigan, mag-ingat lagi dahil traydor ang COVID-19.
"Even though may COVID diyan and everywhere else, you're still continuing to do your job. Sobrang nakakabilib yun," ani Ice. "Make sure you're always safe. Specially 'tong sakit na ito medyo may pagka traydor din and as much as you would wanna help people, of course you have a family to think of. Kaya ingat lang."
Ang asawa at mga anak ni Spencer, nagpapasalamat sa kasipagan at katatagan ng kanilang padre de pamilya. — FRJ, GMA News