Matapos ang halos apat na taon, muli na namang napapanood ang Kapuso hit telefantasya na "Encantadia." At sa muling pag-ere nito sa primetime, nagkaroon na ito ng panibagong mga tagasubaybay na kung tawagin ay "Encantadiks."
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras," sinabing napa-reminisce kasama ng fans sina Kylie Padilla, Gabbi Garcia, Sanya Lopez at Glaiza de Castro, na gumanap bilang sina Sang'gre Amihan, Alena, Danaya at Pirena.Nag-trend din ito sa Twitter at pinag-uusapan ang mga eksena sa bawat episode.
Ayon kay Gabbi, bumalik ang kaniyang mga alaala tatlong taon ang nakararaan sa itinuturing niyang isa sa mga hindi niya makalilimutang ginampanang karakter na si Alena.
"Nakaka-throwback siya nang sobra. I did Encantadia, 17, 18 years old ako. And nakakatuwa kasi every night we can see all the tweets, I can read all of the tweets na napapa-trend pa rin, hanggang ngayon, they're still asking for season 2 so alam mong nandu'n pa rin talaga 'yung Enca fever," sabi ni Gabbi.
Nariyan pa rin ang hype ng series tulad ng unang pag-ere nito noong 2016, at nagkaroon na rin ng bagong henerasyon ng "Encantadiks" o Encantadia fans.
Nito lang linggo, nag-ala-Sang'gre ang isang Tiktoker na sumali sa isang segment ng All-Out Sundays.
Isa pa sa pinakanatutuwa ay si Francis Duane Branzuela, isang certified Encantadik noon pang 2005, at ang Encantadia raw ang kaniyang naging inspirasyon para maging isang costume designer.
Ipinasilip ni Francis ang kaniyang mga artwork, Enca collectibles at Encantadia posters sa kaniyang dingding.
Paborito raw niya si Sang'gre Pirena, na kaniya pang naging costume sa kaniyang graduation ball.
"Napasaya ako ni Sang'gre Pirena many times. Idol ko si Miss Sunshine Dizon at si Miss Glaiza," sabi ni Branzuela.
Inabangan din ni Charlotte Adducul ang pagbabalik ng fantaseries, at ngayon ay little Encantadiks na rin pati ang kaniyang mga batang pamangkin.
"Kahit sa paglalaro lagi nilang sinasabi 'yung 'Avisala,' 'Avisala Eshma,' lahat na-a-adopt na nila, kahit 'yung mga Enchan. Minsan naglalaro sila, siya daw si Pirena, siya daw si Amihan, minsan 'yung isa naman siya si Hagorn. Kasi nga nalibang sila during pandemic nga po, 'yun ang naging libangan nila," sabi ni Adducul.
Dahil sa pagmamahal sa Encantadia, ipina-tattoo pa ni Charlotte ang apat na brilyante ng mga Sang'gre sa kaniyang likod, at ang Brilyante ng Diwa sa kaniyang braso.
Dahil nga raw sa re-run, may mga bagong recruit na Encantadia fans na karamihan, mga kabataan.
"Merong nag-message sa akin, nabasa ko, nu'ng time daw ng Encantadia, buntis siya. Tapos noong nanganak siya, ang ipinangalan niya sa anak niya Alena because of Encantadia. So sobrang 'Wow!' Tapos ngayon 'yung anak niya pinapanood 'yung Encantadia," kuwento ni Gabbi.--Jamil Santos/FRJ, GMA News