Marami ang nakapapansin na camera-ready na ang magandang anak ni Yasmien Kurdi na si Ayesha na nagpapamalas na rin ng kaniyang acting skills. Pumayag kaya si Yasmien na mag-artista rin ang anak?
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing makikita na rin sa iba't ibang media platforms tulad ng YouTube, Smule at TikTok ang talento ng pitong-taong-gulang na si Ayesha.
Promising na siya sa pag-arte at pagkanta pero learning never stops para kay Ayesha at sa kaniyang mommy Yasmien ngayong extended enhanced community quarantine.
Kamakailan lang, nag-acting 101 ang mag-ina na kanilang pinost online, kung saan binigyang-buhay nila ang mga karakter sa Bible na sina David at Goliath. Si Ayesha ang gumanap na si David at si Yasmien naman si Goliath.
"Sinasanay lang 'yung bata kasi nakikita niya ako na ini-interview ako tapos minsan naman kasama siya sa interview. Tapos nakikita niya rin 'yung work ko, na umaarte ako in front of the TV. So I guess sanayan lang. Tapos nagva-vlog din kami. So 'yung bata nasanay sa camera at nasanay magsalita, at talagang madaldal siya ha," sabi ni Yasmien.
Kasama rin sa glee club ng kaniyang school si Ayesha at bonding time din ng mag-ina ang pagkanta.
Si Yas daw mismo ang acting coach ni Ayesha.
"Lagi siyang makinig sa kaeksena niya para alam niya kung ano ang isasagot niya pabalik. Tapos lagi kong sinasabi sa kaniya is to be natural," sabi ni Yasmien.
Kaya natanong si Yasmien kung nakita na niyang mag-aartista rin si Ayesha.
"Si Ayesha laging nagtatanong sa akin kung ano raw ang gusto ko para sa kaniya. Pero siyempre, ayoko naman i-impose at ayaw kong ma-acquire niya 'yung maging artista dahil artista ako. Siyempre gusto ko i-explore niya 'yung mga interest niya in life para sa dreams niya in the future at susuportahan namin kung ano man 'yung gusto niya."
Habang may ECQ, sinabi ng aktres na puwede pa ring maging productive kahit nasa bahay lang.
"Tulad ng ginawa namin ni Ayesha, may mga online free classes na ino-offer ngayon na puwedeng ipakita sa mga anak niyo," saad niya.
Samantala, labis ang pasasalamat ni Yasmien sa kaniyang fans sa Ecuador, kung saan kasalukuyang ipinalalabas ang series na pinagbidahan niya na "Hindi Ko Kayang Iwan Ka."
"'Yung fans grabe, i-tag kami, parati kaming i-message every day, pati 'yung mga loved ones namin mini-message din nila at tina-tag nila. Sobrang happy kami sa love at support nila for the show, talagang nakakataba ng puso, hindi namin ine-expect," sabi ni Yasmien.--Jamil Santos/FRJ, GMA News