Bukod sa pagtulong sa health workers at mga tao sa Sorsogon bilang first lady ni Governor Chiz Escudero, tinulungan din ni Heart Evangelista ang mga taong nagpapadala ng mensahe sa kaniya sa social media.
Sa kaniyang Twitter account, makikitang dinagsa si Heart ng mga mensahe ng mga humihingi ng tulong mula sa mga magulang na maysakit ang anak, at maging sa mga pasyenteng nakatatanda.
Sabi ng isang nagpadala ng mensahe kay Heart, "Alam ko marami ka nang tinutulungan.Magbakasakali lang din ako na matulungan mu kami asawa ko ay PWD may sakit siya na AVM (artereovenous malformation) at Parkinsonism,may kamahalan po ang mga gamot nya, sa ngayon po hindi po ako makag side line pra po pang dagdag pambili ng meds."
Mensahe naman ng isang ina kay Heart, "Hindi po ako humihiling ng tulong para sa aming mag asawa.. Kundi para lamang po sa aming anak. Gustuhin man pong mag sideline ng asawa ko hindi rin po magagawa dahil sa lockdown... sana po mapansin nyo po."
Sinasagot naman ng Kapuso star ang mga mensahe sa kaniya na magpadala ng "DM" o direct message sa kaniya.
Gayunman, may pakiusap din ang aktres sa ibang humihingi ng tulong na magbigay-daan din sa ibang nais humingi ng tulong sa kaniya.
Please be honest with me :( I just wanna help as much as I can ...give chance to others. I still sent help 2x kahit alam ko you’re the same person knowing you might just be in a bad place . But I know ????
— LoveMarie O. Escudero (@heart021485) April 3, 2020
Noong nakaraang Enero, naging viral sa social media ang pintor na si Mang Larry sa Iloilo City dahil sa paglalako niya ng kaniyang obra sa kalsada para matustusan ang pagpapa-dialysis ng kaniyang misis.
Nang malaman ito ni Heart, bumili siya ng mga obra ni Mang Larry para makatulong sa mag-asawa.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News