Dahil patuloy pa rin ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa, ikonukonsidera ng buntis na Kapuso actress na si Max Collins na sa bahay na lang manganak.
Sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA new "24 Oras" nitong Huwebes, inihayag ni Max ang pangamba niya na mahawahan ng virus sa ospital, na puno na ngayon ng mga pasyenteng ginagamot dahil sa COVID-19.
Sa Hulyo pa inaasahan na iluluwal ni Max ang first baby ni Pancho Magno na isang lalaki. Ngayon pa lang, kumuha na raw na rin ng kurso sa home o water birthing ang aktres.
"I never thought it would come to this. But I think that would be safest way for me," saad niya. "Not a 100 percent sure na about the home birth 'cause I have to check the s'yempre positioning of the baby, kung kaya ko."
Sinabi rin ni Max na patuloy naman niyang kinukonsulta ang kaniyang OB-Gyne tungkol sa pagsilang sa ospital.
Sa ngayon, pinapalakas daw niya ang kaniyang pangangatawan bilang paghahanda sa kaniyang panganganak.
"Kailangan eh. Oh my goodness, kasi if not s'yempre I don't know how I'll be able to give birth naturally if my body is not good shape," ayon kay Max. "If there's no anesthesia it's gonna be difficult." --FRJ, GMA News