Labis ang pasasalamat ng viral singer at dating "Clasher" na si Carl Malone Montecido dahil sa panibagong pagkakataon na ibinigay sa kaniyang music career.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA news "24 Oras" nitong Lunes, nagkaroon ng mga TV guesting si Carl matapos mag-viral ang kaniyang video habang inaawit ang "Too Good at Goodbyes" ni Sam Smith.
Nitong Linggo, napanood si Carl sa "All Out Sundays," at nitong Lunes naman sa "Unang Hirit."
Pero kahit sa makabagong kanta siya napansin worldwide, gusto pa rin daw ng 21-anyos na si Carl na kumanta ng mga lumang awitin.
"Thankful po ako na nabigyan ulit ng pagkakataon na mabuksan 'yung panibagong pinto sa music career ko," anang binata.
Sumubok sa Season 2 ng "The Clash" si Carl at nakarating siya sa top 64.
Sa naturang singing contest ibinahagi ni Carl ang kaniyang nakaraan sa buhay tulad ng pagtatampo niya noon sa mga magulang. Namaltrato rin daw siya ng taong gustong umampon sa kaniya at naranasang pakantahin sa kung saan-saan.
Pero sinamantala lang pala ang kaniyang pagtitiwala at hindi niya nakukuha ang pera na para sa kaniya.
Pagkatapos ng pagsabak niya sa "The Clash," itinuloy ni Carl ang kaniyang pag-aaral sa Bacolod pero patuloy pa rin siya sa pag-awit. Hanggang sa nag-viral nga siya sa plakado niyang pagkanta ng awitin ni Sam.
Hanggang sa ibang bansa, napansin ang galing ni Carl kaya may mga show doon na iniimbitahan siyang mag-guest.
"Kumbaga, ngayon, nabigyan na po ako ng pagkakataon na hindi lang po parang kumanta dito sa ating bansa kundi doon pa po sa ibang bansa. Mabibigyan ko pa po ng karangalan 'yung bansa natin," saad niya.-- FRJ, GMA News