Gaya ng ibang tao, nakaranas din daw ang ilang Kapuso star ng mga paranormal o mga hindi maipaliwanag na pangyayari. Tulad ng aktres na si Elizabeth Oropesa na binulungan umano ng kaluluwa ng isang lalaki.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes,  ikinuwento ni Elizabeth na napapanood sa seryeng "The Gift," ang naging karanasan niya habang nanggagamot.

Isang licensed acupuncturist din kasi ang aktres.

"'Yung sunod na nagpatingin sa akin isang matandang babae at may kasamang bata na babae rin. Nu'ng sabi ko, 'Sige po 'nay mahiga na po kayo,' may narinig na ako, wala pa akong nakikita, may narinig lang ako. Sabi sa akin, 'Pakisabi naman nandito ako,'" kuwento ni Elizabeth.

Habang tumatagal, lalo raw lumalakas ang bulong sa kaniya ng kaluluwa ng lalaki.

"Palakas na nang palakas, ulit na nang ulit. Pagtingin ko, mama [lalaki]... 'Sabihin mo sa kaniya na 'yung panyong nilagay niya sa bulsa ko ilan?'" sabi raw kay Elizabeth ng kaluluwa.

Hindi na raw nakatiis si Elizabeth kaya tinanong na niya ang kaniyang pasyente.

"'Sino po ba 'yung patay na nilagyan niyo ng mga panyo sa bulsa?' Biglang humagulgol 'yung matandang babae. Sabi ko 'Naku bakit po?' 'Eh kasi 'yung asawa ko,'" pag-amin daw ng kaniyang pasyente.

Doon na raw nalaman ng aktres na ang lalaking bumubulong sa kaniya ay namayapang mahal sa buhay ng kaniyang pasyente.

"Humagulgol na rin 'yung anak, 'Kasi po 'yung tatay namin kamamatay pa lang nu'ng isang taon pinabaunan po namin ng maraming panyo,'" sabi pa ni Elizabeth.

Samantala, may makapanindig-balahibo ring karanasan si Tom Rodiguez habang nasa gitna ng shooting ng isang horror film.

Mayroon daw isang bata na laging bumibisita sa kanilang set tuwing umaga na naging paborito na niyang kausap.

"Lagi kong kakulitan 'yung bata na 'yun, napakabibo tapos 'yun pala walang nakakakilala sa kaniya du'n... He knew the whole place, alam niya 'yung lugar tapos papakialaman niya, 'Kuya Tom hindi ganyan dapat nakalabas 'yung ano'... Nu'ng bumalik sila dun hindi na nila mahanap," kuwento ni Tom.

Sa isang dating hospital naman nakaramdam ng kakaiba si Carmina Villaroel habang nagshu-shooting din ng isang horror film.

"Meron kaming isang incident na nagpuputukan na 'yung mga ilaw kasi madaling araw na kami, siguro nagagambala na sila, parang pinapatigil na 'yung shoot namin," ani Carmina. --Jamil Santos/FRJ, GMA News