Buhay pa ang pag-asa ng "Final 6" survivor ng "Starstruck" na makapasok sa inaabangang "Final Judgment" matapos na ipagpaliban ang pagpili ng "Final 4."

Sa episode ng "Starstruck" nitong weekend, nagpakitang-gilas sa live musical show ang natitirang anim na artista hopefuls na sina Shayne Sava, Lexi Gonzales, Pamela Prinster, Abdul Raman, Kim de Leon at Allen Ansay.

Nitong Linggo, lumitaw na sina Allen at Lexi ang nakakuha ng pinakamataas ng combine scores mula sa Council Members at text votes.

Nang babanggitin na ni Starstruck host Dingdong Dantes kung sino kina Pamela, Shayne, Abdul, at Kim ang may pinakamababang boto, sinabi ng Kapuso Primetime King, na walang maalis at kompleto pa rin ang Final 6.

Ang boto umano ng mga contenders ay isasama sa makukuha nilang boto sa susunod na linggo at doon pipiliin ang final four; bago ang inaabangang final judgment upang malaman na kung sino ang hihiranging Ultimate Male and Female survivors sa Season 7 na ito ng "Starstruck."--FRJ, GMA News