Hindi naiwasan ni "The Clash" finalist Mirriam Manalo na maging emosyonal nang magkuwento tungkol sa kondisyon ng anim na buwang gulang niyang anak na si baby Layla.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing may pambihirang sakit sa muscle si baby Layla.
Sa kabila nito, umaasa si Mirriam at ang kaniyang pamilya na malalampasan nila ang pinagdadaanang pagsubok.
Kaya raw ang kaniyang kauna-unahang single na "Una Ka," inialay niya sa kaniyang baby.
Samantala, malaki naman ang pasasalamat ni "The Clash" finalist Garrett Bolden sa suportang natanggap niya sa launching ng ikalawa niyang single na "Handa Na Maghintay."
Alay naman daw ni Garrett ang love song sa kaniyang ama, kaya espesyal ito sa kaniya.
"It took me, siguro 18 na ako, magna-19 na ako nang makilala ko siya. So it's something na hinintay ko simula noong bata ako," ani Garrett.
Kaugnay nito, inilunsad naman ang mga "Clasher" na sina Muriel Lomadilla, Danielle Ozaraga, Lyra Micolob at Melbelline Caluag bilang bagong Kapuso girl group na XOXO.
"Not your typical" girl group ang naturang grupo dahil sa iba't ibang genre na kaya nilang kantahin.--Jamil Santos/FRJ, GMA News