Ikinuwento ni "Starstruck" hopeful na si Jerick Dolormente ng Camarines Sur, ang naranasang trauma noon dahil sa pagiging sobrang mahigpit ng kaniyang amang sundalo na nagkaroon pa ng iba't ibang babaeng karelasyon.

Sa media conference ng "Starstruck" Final 14 nitong Martes, sinabi ng 20-anyos na si Jerick na siya ang bunso sa apat na magkakapatid sa kanilang ina, at sila ang legal na pamilya.

Mayroon pa raw siyang walo pang ibang kapatid sa iba't ibang babae na nakarelasyon ng kaniyang ama.

 

 

"'Yung iba ko pong kapatid hindi ko pa po nakikita," saad niya.

Natanong si Jerick kung ano ang kaniyang pakiramdam sa naging sitwasyon ng kaniyang ama.

"Okay lang po, okay lang po. Naintindihan ko naman po. Kasi may itsura (ang tatay ko)," natatawa niyang sabi.

Nagawa naman daw ng kaniyang ama sustentuhan ang iba't iba nitong pamilya.

"Nu'ng bata pa po kami nagsu-sustain po si papa kasi kakasuhan daw po. Pero nu'ng tumanda na po kami, nawala na po 'yung ganu'n," pagbahagi niya.

Hindi raw malilimutan ni Jerick ang mga mapapait niyang karanasan sa kaniyang tatay.

"Ano po kasi si papa, siga-siga po, tapos sobrang istrikto po. Kahit ano pong gawin namin sa kaniya dati, lalo na ako, parang mali po lahat-lahat. Kaya nagkaroon po ako ng trauma, tapos dinuduro-duro po kami," patuloy niya.

Inamin din niya na nagkaroon ng pagkakataon na sa sobrang sama ng kaniyang loob ay kinakalimutan na lang niyang may ama siya.

"Naranasan ko lang po 'yung mga time na wala akong pakialam. Parang kinalimutan ko po na may papa ako. Tapos nu'ng nagka-edad na po ako, du'n ko na po na-realize na, 'Ah, may mga kapatid pa pala ako sa iba.' Tapos 'yun, hanggang sa nagkaroon ng time na 'yung tatlo kong kapatid na lumabas ng Manila, na-meet nila 'yung iba kong kapatid. Ako lang po 'yung hindi nakapag-meet sa kanila. Kaya okay lang po sa akin kasi mga kapatid ko po 'yun," dagdag ni Jerick.

Unti-unti rin daw na nawala ang galit ni Jerick sa kaniyang ama nang magka-edad na siya.

"Inalis ko na po (ang galit ko), okay na po kami ni papa. Tropa na po kami ngayon ni papa. Nawala na rin po kasi matatanda na po kami," pagbahagi pa niya.

Senior citizen na raw ngayon ang kaniyang ama, patuloy nitong kasama ang kaniyang ina sa Bicol.

Hindi raw muna nag-aaral ngayon si Jerick, at dalawang taon nang sinusubukan ang pag-aartista.

"Nag-stop po ako, two years na po akong stop. Then du'n ko po sinimulan 'yung pag-aartista po. Lumuwas po ako ng Maynila. Nag-extra po ako sa mga palabas, dito po sa GMA, bale 'yun po 'yung ginawa kong work dito, freelance. Tapos modeling, mga ramp," saad niya.--FRJ, GMA News