Kung dati ay naaapektuhan pa siya, hindi na iniintindi ngayon ni Golden Cañedo ang mga bashers. Sa halip, mayroon siyang paalala sa sarili para hindi mag-isip ng mga negatibo.

"Noon po, apektadong apektado ako, pero ngayon hindi ko na sila pinapansin kasi mas lalo lang po akong mawawala, mas lalo lang po akong hindi makapag-focus 'pag inisip ko po 'yung mga sinasabi nila. So ngayon po, tine-take advantage ko na lang po 'yung mga sinasabi nila," sabi ng The Clash grand champion sa media conference ng bago niyang single na "Tayo Pa Rin" nitong Biyernes.

 

 

"Iniisip ko po, kina-count ko po 'yung mga blessings na nangyari sa buhay ko. Na masuwerte ka dahil hindi lahat nakakatungtong dito, nabigyan ng opportunity. Kasi sa sobrang daming naglilinya sa mga auditions, tapos ikaw 'yung nanalo. Tapos ginaganiyan ka ng mga tao, 'yun lang? Para 'yun lang, ma-down ka? So 'yun po 'yung iniisip ko," dagdag pa ni Golden.

Mas iniisip niya ngayon ang mga positibong nangyayari sa buhay niya kaysa mga hindi magagandang puna sa kaniya.

"Nagka-count po ako ng blessings ko, mga nangyaring magaganda sa buhay ko, kaysa isipin 'yung mga sinasabi nila laban sa'kin."

Inilabas ni Golden ang "Tayo Pa Rin" sa ilalim ng GMA Music. Nitong Sabado, magiging available na rin ito sa Apple Music, Spotify at iba pang digital stores worldwide.

Nakatakda ring lumabas ang music video ng Tayo Pa Rin sa GMAMusicOfficial channel.

"'Yung music video po is all about sa LDR po siya, na, naghiwalay po sila pero sa kabila po ng lahat ng mga challenges po sa buhay nila, sila po talaga, meant for each other po talaga sila," ayon kay Golden.

Ngayong The Clash grand champion na, hindi pa rin nakalilimutan ni Golden na magbigay ng oras para sa pamilya.

"Opo meron naman po. Pero hindi naman po [mahalaga] 'yung bagay at pera sa pagpapakita ng pagpapahalaga sa pamilya mo. Mas nagbibigay po ako ng time, kahit po aral po ako tapos trabaho, nagbibigay po ako ng time, may time pa rin po ako sa family ko. Like kumakain kami sa labas, tapos pumapasyal kami. Nagshe-share na, nag-o-open forum kami ng family ko. 'Yun po 'yung bonding time namin... pinakamahalaga po talaga 'yung time sa isa't isa," dagdag niya. —KG, GMA News