“Tina-try ko yung best ko na do away from stress, ganyan. Naghahanap ako ng ibang way para makapag-destress.”

 


Ito ang sagot ni Boobay nang matanong kung paano niya inaalagaan ang kanyang sarili matapos ma-stroke higit dalawang taon na ang nakalilipas.

November 2016 nang isugod sa ospital si Boobay, o Norman Balbuena sa totoong buhay, dahil sa mild stroke.

Sobrang pagod sa pagtatrabaho ang itinuturong isa sa mga dahilan kung bakit na-stroke si Boobay, kaya naman sinisikap niyang huwag abusuhin ang katawan ngayon.

“Once nararamdaman ko na napapagod na ako, kailangang magpahinga, kailangan may day off,” kwento ni Boobay sa PEP.ph at dalawa pang miyembro ng press noong March 2.

“As much as possible, ginagawa ko talaga yun once na pakiramdam ko, dumadating yun.

“Pag nagkakaedad na tayo, dumarating yung lutang factor na tinatawag," dugtong ng 32-anyos na komedyante.

Isa raw sa pinakamabisang outlet ni Boobay ay ang kanyang alagang aso, si Kendra.

“Yung baby ko, yung aso ko, si Kendra. Six years old na.”

Payo pa ni Boobay, “Puntahan mo yung personal [na buhay] mo.

"Balikan mo, baka hinahanap ka na ng side ng buhay mo. At very effective yun sa akin.

“Once pumupunta ako sa… lalo na sa side ng family, balik ako sa family… kasi minsan sobrang busy sa taping, Unang Hirit, ganyan.

“Kailangan may laan talaga for the family, sa loved ones mo, para bukod sa trabaho, mayroon kang personal.”

Hindi na rin daw siya lumalabas sa Unang Hirit nang araw-araw, di gaya ng dati.

“Dati kasi every day ang ibinibigay ko sa kanila, pero after nung nangyari sa akin, pumayag na sila sa akin kung pwedeng M-W-F or T-Th na lang.”

Isa pa sa pinagkakaabalahan ngayon ni Boobay ay ang late-night weekend comedy show na The Boobay and Tekla Show, o TBATS, kasama si Super Tekla.

Ayon kay Boobay, mas marami siya ngayong offers pagdating sa trabaho, pero mas matalino na raw siya sa pag-handle nito para hindi mapagod nang sobra.

“Kumbaga, parang domino effect 'yan, e, parang chain reaction. Pag once na tuluy-tuloy 'yan, okay naman.

“Ang importante, kayang panindigan at kaya ng katawan.

“Yun naman ang maganda sa amin, binibigyan namin ng importansiya yung health.

“Lagi kaming sinasabihan ng mga boss na, as much as possible, pahinga-pahinga din kayo para maibigay niyo rin yung best niyo during taping o kaya live natin.”-- For more showbiz news, visit PEP.ph