Nakaka-relate daw ang Kapuso singer na si Jong Madaliday sa mensahe ng bago niyang single na "Ano Ba," na tungkol sa isang lalaki na nalilito kung seryoso ba siya sa babae o naglalaro lang. Kasabay nito, inamin din ng binata na crush talaga niya ang "Onanay" star na si Kate Valdez.

"Ang showbiz crush ko po, kasama ko sa 'Studio 7,' si Kate Valdez. Bukod sa napakarami po niyang fans, ever since nu'ng nag-start po talaga kami 'Studio 7,' first day pa lang, siya 'yung nag-approach sa amin na 'Uy!'" saad ni Jong sa GMA Music media conference nitong Martes.

"Tapos sobrang sikat na sikat na, parang ang ganda ganda, na hindi ko expect na normal lang. Sobrang bait, maganda," dagdag niya.

Noong nakaraang Linggo sa "Studio 7," tinukso at ibinisto ni Donita Nose na crush ni Jong si Kate.

Pinasalamatan naman ito ng dalaga.

"Happy ako! Thank you!! Totoo ba?! O joke lang 'yun?" tanong ni Kate.

Sinagot naman ito ni Jong.

"May explanation ako niyan. Kahit sino namang lalaki magkaka-crush kay Kate. Kasi bukod sa maganda, mabait pa, sobrang mabait."

Bagong single na "Ano Ba"

Samantala, inilabas na ang bagong single ni Jong na "Ano Ba" sa ilalim ng GMA Music.

Tungkol ito sa lalaking nalilito sa kaniyang nararamdaman sa isang babae, kung siya ba ay in love o naglalaro lang.

"Tinatanong niya sa sarili kung nai-in love ba ako or naglalaro lang ako. 'Yung babae, napo-fall sa kaniya. Tapos hindi niya alam kung mamahalin niya or hindi na lang. Parang 'Okay na ako dito sa laro lang.' Parang ganoon po," paliwanag ni Jong.

Nakaka-relate si Jong dahil na rin sa personal niyang karanasan na nalito siya noon sa kaniyang high school crush.

"Nakaka-relate po ako du'n sa single ko na 'Ano Ba?' Kasi lahat po tayo nakaranas ng puppy love. Kasi first year high school po ako, na-reject, tapos parang nagloko-loko ako kasi puppy love. Parang nililigawan ko ulit pero 'yung nararamdaman ko, wala talaga akong nararamdaman."

"Nu'ng first year po, wala talaga akong feelings sa kaniya, pero pag-abot namin ng third year, kasi nag-level up siya, so nag-matured na rin ang utak ko. Na-in love ulit ako sa kaniya tapos siya naman may iba na," dagdag niya.

"Parang hindi talaga kami itinadhana," natatawang sabi ni Jong.

Natanong si Jong kung nagkaroon na ba ng girlfriend.

"Yes po, nagka-relationship naman. Kasi 'pag kumakanta po ako sa mga Mr. and Ms. Intrams, may mga naging kasintahan din po akong muse ng campus, and ako 'yung kinaiingitan na, 'Ang pangit pangit naman nito, bakit siya pa ang nagkagusto?' Parang ganoon," natatawa niyang kuwento.-- FRJ, GMA News