Aminado si Martin del Rosario na challenging sa kaniya ang pelikulang "Born Beautiful," kung saan gagampanan niya ang role bilang si Barbs, isang transwoman. Napansin naman umano ng netizen ang pagiging hawig ni Barbs sa dalawang artistang babae.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ikinuwento ni Martin ang hirap na pinagdaanan niya sa pagganap bilang isang transwoman.
"Winax yung buong katawan ko, kilikili, arms, wax legs. Dumudugo, masakit talaga parang gusto kong mamatay nu'ng time na iyon," saad niya.
Patuloy ng aktor, "Yung wig na buong araw nakakabit sa 'yo, 'yung makeup one hour kung kinakabit."
Maraming netizens umano ang nakapansin na kahawig ni Barbs ang mga aktres na sina Empress Schuck at Shaira Diaz.
"Nakaka-flatter kasi pareho silang maganda," sabi ni Martin sabay biro at tumawa na, "Mas maganda ako sa kanila."
Bukod sa pagbabago sa kaniyang hitsura, sinabi ni Martin na challenging din ang mga eksena na kaniyang ginawa at very daring ang ilang eksena.
"First time kong magka-kissing scene sa lalaki at siyempre nakakakaba talaga," ayon sa aktor.
"Proud ako na ginawa ko ito. Ito 'yung movie na ang dami kong realizations na kaya ko pa lang gawin," dagdag niya.
Samantala, isang hamon din para kay Sheena Halili ang pagganap naman bilang isang lesbian para sa episode ng "Magpakailanman," na pinamagatang "Confessions of a Lesbian Wife," kung saan ka-love team niya ang "Starstruck" batchmate na si Jennylyn Mercado.
Aminado si Sheena na hirap at nailang siya nung una lalo pa't sweet at very much girly ang kaniyang image.
Pero ayon sa aktres, tinanggap niya ang role dahil maganda at very inspiring ang istorya. -- FRJ, GMA News