Pumanaw na ngayong Martes ng umaga si Horacio "Tarzan" de Jesus ng singing duo na "Tarzan at Baby Jane" sa edad na 76.
Sumikat noong 1970 hanggang 1980 si De Jesus at kaniyang anak na si Raquel "Baby Jane" dahil sa kanilang album na "Kwelang-kwela" sa ilalim ng Alpha Records.
Kabilang sa mga awitin nila ang "Nasaan ang Nanay," "Pasko ng Ninong Ko," at "Mano Po Ninong."
Nagkaroon rin sila ng guestings at nakasama sa mga programa sa telebisyon at pelikula tulad ng "Joey and Son" at "Dear Heart."
Ilan sa mga nakatrabaho nila sina Joey de Leon, Ian Veneracion, Sharon Cuneta, Rowell Santiago, Christopher de Leon. Naging composer din nila si Vehnee Saturno.
Ayon kay Raquel, nang tumigil siya sa pag-aartista ay nagsanay ang kaniyang ama ng mga kabataan para kumanta at umarte.
"Nagso-show pa siya, may mga tinetrain na mga bata. Sa ngayon meron siyang Tarzan and Kids, nagko-comedy, kumakanta sa mga piyestahan," ani Raquel sa panayam ng GMA News Online.
Sinabi niya na hindi nila inasahan ang pagkamatay ng ama dahil hindi naman ito umiinom o naninigarilyo.
"Mayroon siyang high blood, diabetes, at nagkaroon rin ng pneumonia pero gumaling na," ayon kay Raquel.
Kuwento niya, nitong Sabado ng umaga ay nagreklamo ang kaniyang ama ng sakit ng ulo at nagsuka. Naisugod nila ang ama sa Caloocan City General Hospital.
Subalit na-comatose ang ama hanggang sa bawian ng buhay nitong Martes ng umaga.
Naiwan ni Tarzan ang kanyang asawa si Imelda, anak na sina Russell, Raquel, Runnell, Runsell, at Rundell, at mga apo.
Ihahatid sa huling hantungan si Tarzan sa Linggo.-- FRJ, GMA News