Labis ang pasasalamat ng Kapuso actress na si Jasmine Curtis Smith sa mga positibong komento sa kaniyang bathtub photo na naging viral sa social media kamakailan.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing kuha ang larawan habang nasa Bali, Indonesia siya for a quick vacation.

"Thank you for everyone who likes the photo and for the people who appreciates my body now it helps a lot if we can just uplift each other talaga," saad ng dalaga.

Sabi din ni Jasmine, hindi niya intensyon na maging sikat sa pagpapakuha ng naturang larawan basta masaya lang daw siya na mayroong trabaho.

Gayunman, kung mayroong mga pumuri, may ilan din na pumupuna at nagsasabing anorexic o may eating disorder daw si Jasmine dahil sa balingkinitan niyang katawan.

"That's a bit harsh. That's a disorder and for me, I personally know friends na pinagdaanan iyon so sana mag-ingat ang mga tao bago magsalita," pakiusap niya.

Tungkol sa pangangalaga sa kaniyang katawan, sinabi ni Jasmine na healthy eating at hindi raw siya umiinom ng alcoholic beverages.

Nang tanungin kung ano ang best physical assets niya, natatawang tugon ng aktres, "Well, lahat ng tao ang lagi nilang kino-complement sa akin is kili-kili ko. Baka 'yon na rin lang ang sagutin ko, my armpit."

Pero para daw kay Jasmine, ang puwet niya ang kaniyang best "asset" sabay pag-amin habang natatawa na hindi siya masyadong "nabiyayaan" sa dibdib.

Samantala, ang co-star ni Jasmine sa "Pamilya Roces" na si Gabbi Garcia, ang kanyang morena skin tone daw ang kaniyang best asset.

Habang ang "Clashmate" sa "The Clash" na si Joyce Pring, sinabing ang kaniyang "lips" ang madalas mapansin kaya ng mga tao.

"People would tell me i have nice lips," saad niya-- FRJ, GMA News