Inihayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. nitong Lunes ang paglalaan ng pondo para sa expanded career progression system sa mga guro sa pampublikong paaralan para wala na umanong guro na magreretiro na Teacher 1 lang. May binanggit din ang pangulo tungkol sa "utang-tagging" na nangyayari sa mga guro.
Sa kaniyang talumpati sa ikatlong State of the Nation Address, sinabi ni Marcos na makatutulong ang expanded career progression system para sa kapakanan ng mga guro sa pampublikong paaralan.
"We have allocated funds to finally implement the expanded career progression system for our public school teachers, which shall promote professional development and career advancement within their ranks," ani Marcos.
"This expanded system lays out two major career paths for our teachers to pursue: the teaching; and the school administration tracks, each of which shall have ample career growth opportunities," patuloy niya.
Dahil dito, sinabi ni Marcos, "Sa sistemang ito, wala nang public school teacher ang magre-retire na Teacher I lamang."
"Sa madaling sabi, kung talagang gusto nating magtagumpay ang hinahangad nating pagbangon sa larangan ng edukasyon, sila — ang ating mga guro — ang dapat nating itaguyod at patatagin," dagdag niya.
Ilan pa sa idiniin ni Marcos sa kaniyang SONA patungkol sa mga guro ang pagdagdag ng mga empleyado para magampanan nila ang kanilang mga sari-saring gawain sa paaralan at makakatutok nang mabuti sa kanilang propesyon sa pagtuturo.
Nilagdaan na rin ni Marcos ang Kabalikat sa Pagtuturo Act na magbibigay sa mga guro sa pampublikong paaralan ng dagdag na taunang teaching allowance.
Bukod dito, mayroon na rin silang Personal Accident Insurance mula sa GSIS at Special Hardship Allowance para sa mga karagdagang public school teachers na masasaklaw nito, na nakararanas ng matinding hirap at panganib sa kanilang araw-araw na trabaho.
Tiniyak ni Marcos na hindi na mabibiktima ng "utang-tagging," o mahahadlangan ang mga guro sa pag-renew ng kanilang mga lisensiya dahil sa kanilang mga pagkakautang.
"Wala na ring “Utang-Tagging” sa mga teacher. Hindi magiging hadlang ang kanilang pagkaka-utang upang makapag-renew ng kanilang mga lisensya. Bagkus, marapat lamang na sila ay payagan pa ring makapagturo, nang sila ay makapaghanapbuhay at kumita," sabi ng pangulo.
Matatandaang itinigil ng Professional Regulation Commission (PRC) ang polisiyang ito noong 2022.--FRJ, GMA Integrated News