Humingi muli ng paumanhin ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga overseas Filipino worker na hindi pa nakakakuha ng kabayaran sa kanilang mga sahod na hindi natanggap mula sa mga kompanya na nagsara noon sa Saudi Arabia.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, humiling ng dagdag na pasensiya si DMW Secretary Hans Cacdac sa mga naghihintay pa rin ng kanilang backwages.

"Patuloy lang ang ating follow-up, we just have to be a little patience. Kasi from the Saudi side this is an inter-agency effort," paliwanag niya.

Kagagaling lang ni Cacdac sa Saudi Arabia at nakausap niya si Minister Ahmad bin Sulaiman Alrajhi ng Saudi Ministry of Human Resources and Social Development.

Sa inilabas na pahayag ng DMW, nakasaad na nakahanda na ang mga tseke para sa pagbabayad sa may 2,500 na manggagawa na nagkakahalaga ng 130 million Saudi Riyal o katumbas ng P1.95 bilyon.  

Mayroon na umanong 1,375 na manggagawa ang nakatanggap ng kabayaran na umaabot sa 70.6 milyon Saudi Riyal o P1.098 bilyon.

Nakikipag-ugnayan umano ang DMW sa MHRSD ng KSA para sa ipapalabas na halaga upang mabayaran ang mga OFW.

Matatandaan na tinalakay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naturang usapin ng unpaid wages kay Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman noong November 2022.

Sinimulan noong nakaraang taon ang pagbabayad pero nagkaroon ng problema sa mga bangko sa Pilipinas dahil galing sa Saudi Arabian banks at sa halagang Saudi riyal ang mga ibinigay na tseke. --FRJ, GMA Integrated News