Para matigil na ang umano'y pang-aabuso at pambabastos sa batas at sistema sa Pilipinas, idineklara ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang "ban" sa lahat ng Philippine offshore gaming operators o POGO sa bansa.
Sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address (SONA), tinukoy ni Marcos ang koneksyon ng mga ilegal na POGO sa bansa sa mga panloloko, money laundering, prostitusyon, human trafficking, kidnapping, torture, at pagpatay.
“The grave abuse and disrespect to our system and laws must stop. Kailangan na itigil ang pang[gu]gulo nito sa ating lipunan at paglalapastangan sa ating bansa,” saad ni Marcos.
“Effective today, all POGOs are banned,” giit niya na umani ng palakpak sa mga dumalo sa SONA sa Batasang Pambansa.
Nitong nakaraang Linggo, inirekomenda ni Finance Secretary Ralph Recto ang total ban ng mga operasyon ng POGO dahil sa mga isyung nakapalibot sa industriya.
Lumabas ito dahil na rin sa panawagan ng publiko matapos ang mga sunod-sunod na raid laban sa mga establisimyento, kung saan natuklasan ang torture, love scams, at iba pang kriminal na aktibidad.
“I hereby instruct PAGCOR to wind down and cease all operations of POGOs by the end of the year,” sabi ni Marcos.
Inatasan niya rin ang Department of Labor and Employment na hanapan ng bagong trabaho ang mga Pilipinong mawawalan ng trabaho.
Nagbabala naman ang Association of Service Providers and POGOs (ASAP) na may 23,000 Pinoy ang mawawalan ng trabaho kung ipagbabawal ang mga legal na operator.
“This will solve many of the problems that we have been encountering but it will not solve all of them. To solve all the problems that we have been suffering under, all officials, law enforcers, workers in government, and most of all the citizenry, must always be vigilant, principled and think of the health of the nation,” sabi ni Marcos.
Inilahad sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na kailangan nang magdesisyon ng gobyerno kung ipagbabawal ang mga POGO.
“At this stage, where a less costly reset is possible, curtailing POGO operations would have a (relatively) limited effect on the property sector and the financial system, with lower exposure of credit institutions to the online gaming industry,” saad ng PIDS.
Lumabas sa pag-aaral na mas mabigat ang epekto ng pinsala ng POGOs kaysa benepisyo nito sa ekonomiya.
Nauna na ring sinabi ni Marcos na posibleng hindi na pahintulutan ang POGOs kung magdudulot ito ng pinsala sa lipunan.
Isinagawa kamakailan lang ang mga pinakamalalaking raid laban sa mga POGO sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.
Mahigit 800 Pinoy at foreign national ang nasagip mula sa Bamban, habang nasa 160 indibidwal ang nailigtas mula sa Porac hub.
Hinihinala ng mga awtoridad na may nagbigay ng tip sa gagawing pagsalakay kaya may mga nakaalis mula sa tinatayang higit sa 1,000 katao na dapat na maaresto sa Porac hub.
Humantong naman ang raid sa Bamban sa imbestigasyon ng Senado laban sa suspendidong alkalde ng Bamban na si Alice Guo, na natuklasang may kaparehong fingerprints sa Chinese passport holder na si Guo Hua Ping.
Nag-isyu na ang Senate committee ng arrest order laban kay Guo at iba pa matapos na makailang ulit ni Guo na dumalo sa mga pagdinig.
Iginiit naman ni Guo na hindi siya sangkot sa mga ilegal na POGO at nanindigan na isa siyang Filipino citizen.--FRJ, GMA Integrated News