Para kay Kapuso actor na si Ken Chan, hindi na siya nahihirapan sa mga kilig scene nila ni Arra San Agustin, na leading niya sa "My Special Tatay."  Pag-amin ng binata, crush talaga niya ang aktres.

"Alam ninyo sa totoo lang, maganda talaga si Arra, maganda talaga siya at hindi ako nahihiya sa kaniyang sabihin na, 'Alam mo bang crush kita?' Tawa lang siya nang tawa, ayaw niyang maniwala. 'Crush nga kita, ayaw mong maniwala?'" sabi ni Ken nang makapanayam ng mga showbiz reporters sa press conference ng "My Special Tatay" nitong Martes sa GMA Network.

"So hindi ako nahihirapan tuwing may eksena kami 'pag kailangan kiligin," dagdag ng aktor.



Ayon kay Ken, hinahangaan niya si Arra dahil sa pagiging independent nito sa buhay.

"Bukod sa maganda si Arra, sobrang independent niyang tao, na babae. Nabubuhay siyang mag-isa ngayon eh. Hindi siya umaasa sa, well-off kasi 'yung family niya, pero hindi siya umaasa sa magulang niya. Gusto niya sariling sikap niya, and I find it very girlfriend-material," patuloy ng aktor.

Bukod sa mapapanood sa "Bubble Gang," host din si Arra ng "Taste MNL," isa sa mga online show ng GMA.

"Rerespetuhin mo talaga siya, kaya talagang hahanga ka sa kaniya," sabi ni Ken.

Nagkasama na rin sina Ken at Arra sa GMA action series na "The Cure," kung saan gumanap sila bilang mag-asawa.

Ano naman kaya ang masasabi ni Arra tungkol kay Ken?

 

"Masarap kasing katrabaho si Ken. Mabait kasi siya at saka 'yung kahapon na eksena namin, nakakadala talaga siya. Masasabi ko talaga na sa lahat ng mga nakatrabaho ko, especially 'yung mga ka-batch ko, ka-age ko na mga artista ngayon dito sa GMA. Si Ken, nagagalingan talaga ako, humahanga talaga ako kay Ken Chan," pahayag ng dalaga.

 

 

Ikinuwento rin ni Arra na harap-harapan ding umaamin si Ken na crush siya nito.

"Opo sinasabi niya naman po eh harap-harapan. Very casual lang po talaga kami, nabu-blurt out namin lahat ng gusto naming sabihin sa harap ng isa't isa," saad ng dalaga.

At dahil bagong proyekto ito ni Arra, sinisikap niya ring pagbutihin ang kaniyang akting.

"Sa bawat show naman po na natatanggap ko, hindi po mawawala 'yung pressure, hindi mawawala 'yung kaba pero siyempre kailangan pong mag-exert ng effort," sabi niya.

Sa "My Special Tatay," gagampanan ni Arra ang karakter ni Carol Flores, ang best friend at love interest ni Boyet (Ken) na may kapansanan sa pag-iisip.

"Para alam ko po na may mapuntahan ako, kailangan po bawat show, bawat proyekto i-treat ko po siya na ito na 'yung way para maabot ko na 'yung goal ko," ayon sa aktres.--FRJ, GMA News