Sa kaniyang ika-13 taong kaarawan, isa nang ganap na teenager si Ryzza Mae Dizon, ang ginagiliwang si "Aling Maliit" ng "Eat Bulaga."

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA news "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing mula nang manalo bilang "Little Miss Philippines 2012," malayo na ang narating ni Ryzza pero nananatili pa ring mapagpakumbaba.

Sa kaniyang anim na taon sa showbiz, natupad na raw ni Ryzza ang kaniyang mga munting pangarap tulad ng magkaroon ng negosyo at magkaroon ng maayos na bahay.

Sa birthday celebration ni Ryzza sa Eat Bulaga nitong Martes, sariwa niya ang kaniyang buhay noon nang hindi pa nakakapasok sa showbiz na instant pancit canton lang kaniyang handa.

Kaya naman ngayon, birthday wish na magpa-spaghetti sa ibang bata.

"Para hindi naman nila maranasan yung naranasan ko nung birthday ko," sabi niya.

Sa ngayon, hindi pa rin daw pinapabayaan ni Ryzza ang kaniyang pag-aaral sa pamamagitan ng home schooling kung saan grade 6 na siya.

"Every Tuesday po pumapasok ako ng school ko kasi yun po wala talaga akong 'Eat Bulaga," kuwento niya.

At dahil aktibo rin sa social media, sinabi ni Ryzza na ginagabayan siya ng kaniyang mga magulang kung ano ang kaniyang mga ilalagay.-- FRJ, GMA News