Bago pa man maging isang sikat na aktres, bata pa lamang ay sumabak na sa acting si Sheryl Cruz. Bukod sa pag-arte, nahasa rin siya sa pagkanta nang maging bahagi ng sikat na singing group na "The Triplet," kasama sina Manilyn Reynes at Tina Paner.

Sa programang "Tunay Na Buhay" ni Rhea Santos, sinabing ipinanganak bilang si Sheryl Rose Anna Marie Sonora Cruz, kapwa artista ang kaniyang mga magulang na sina Rosemarie Sonora at Ricky Belmonte, at ang "unica hija" sa tatlong magkakapatid.

Bata pa lamang siya, naging palaruan na ni Sheryl ang movie at TV set dahil palagi siyang isinasama ng kaniyang mga magulang sa tapings.

"Sinasama nila ako, tapos ako naman, dahil gustong-gusto ko 'yung nakikita kong mga artistang nag-aarte, sila Alma Moreno, sabi ko, 'Parang gusto ko ganu'n din'" saad ni Sheryl.

Kaya apat na taong gulang pa lang, sumabak na agad siya sa pag-aartista. Paglalahad ng aktres, first child love team niya si Niño Muhlach sa "Pepeng Kulisap" (1979) at "Agimat ni Pepe" (1979).

Una namang nakuha ni Sheryl ang kaniyang leading role sa pelikulang "Candy" noong 1980.

Taong 1986 nang mapasama si Sheryl sa teen-oriented variety show na "That's Entertainment," na binuo ni "The Master Showman" German Moreno, at isa sa mga orihinal na miyembro.

Dito na nabuo ang kaniyang friendship kina Manilyn Reynes, Francis Magalona at Lea Salonga, at naging ka-love team niya si Romnick Sarmenta. Sumikat ang kanilang love team sa "Pardina At Ang Mga Duwende" (1988) at "Takbo... Talon... Tili..." (1992).

Pag-amin ni Sheryl, hindi nauwi sa real-life ang love team nila ni Romnick, pero isa ang aktor sa mga nanligaw sa kaniya.

"Hindi naman kami naging totohanan. Isa siya sa mga nanligaw, pero napakabata ko pa kasi noong mga panahon na iyon, and after nu'n, gusto ko pa ring magkaroon ng experience doing movies with other actors and being given the chance to level up bilang isang dramatic actress," kuwento niya.

Nakasama rin ni Sheryl sina Manilyn at Tina sa trio singing group na The Triplet, at nagkaroon pa ng mga album. Taong 1992, naging host si Sheryl sa "GMA Supershow," tanda ng pag-graduate niya sa "That's Entertainment."

Sa kasalukuyan, isang mapagmahal na ina si Sheryl sa kaniyang anak na si Ashley Nicole Bustos, na isang honor student.

Gaganap si Sheryl bilang si Adele, ina ng karakter ni Julie Anne San Jose sa upcoming GMA musical rom-com series na "My Guitar Princess."-- FRJ, GMA News