Hindi naitago ng Kapuso actor na si Kiko Estrada ang lungkot nang ikuwento niyang na-diagnose na may pancreatic cancer ang kaniyang lola Nena.

Sa press conference ng bagong Kapuso series na "My Guitar Princess" na kaniyang kinabibilangan, sinabi ni Kiko na dalawang linggo nang nasa ospital sa UST ang kaniyang lola, na mahigit 70-anyos na.

"Last visit ko, sobrang nalungkot ako kasi [diagnosed with pancreatic cancer, stage four] advance," sabi ni Kiko

Dumadalaw daw si Kiko dalawang beses sa isang linggo para sa kaniyang lola Nena.

Kuwento pa ni Kiko, hirap na rin na makakilala ang kaniyang lola, na asawa ng namayapa na ring aktor na si Paquito Diaz.

Ang Kiko ay anak nina Gary Estrada at dating akrtes na si Cheska Diaz, na anak ni Paquito.

"Alam mo 'yung hindi ka niya ma-recognize? 'Yun 'yung masakit. So last time I visited, sinayaw ko siya. Umiyak siya, umiyak ako, tapos sinabi niya, kasi 'yun 'yung alok ni lolo Pacquito sa kaniya nu'ng unang meet nila, tapos sinabi ni Lolo Pacquito agad, 'Papakasalan kita,'" kuwento ni Kiko.

"So ako sinayaw ko siya, umiyak siya, tapos sabi niya 'I don't know why I'm crying.'"

"I was like, 'Wait for me,'" sabi ni Kiko sa kaniyang lola. "The next day she had a massive stroke in the right side of her brain."

Pagpapatuloy ni Kiko: "Sabi naman ng mommy ko, 'Buti na lang dumalaw ka na, ikaw 'yung na-recognize niya, natandaan ka pa niya.' Kasi ngayon, sino pa bang...?"

Pag-amin niya, hindi madali ang mga nagdaang araw para sa kaniya.

"So alam mo 'yun, ang bigat. 'Yung doctor nagbibigay lang ng mga numbers ng, 'Ito, ganito na lang' so ako parang, ang dali niyang sabihin pero 'pag ikaw 'yung dumaan diyan, mahirap. Pero alam mo, sabi niya gusto na niyang umuwi. Alam mo, gusto na niyang mag-bingo, mag-tong-its," kuwento pa niya.

Kung maaari lang daw na may kapalit ang pagsisikap niya sa showbiz ay gusto niyang bigyan ng buhay ang kaniyang lola.

"You know what, I told papa, 'Pa dahil sa'yo lahat 'to, kay lolo Pacquito at 'yung mga nauna sa akin kaya ko ginagalingan. Respeto ko sa kanila ito and I'm so happy that papa is so proud of me at mahal na mahal ko 'yung pamilya ko, and I hope sana 'yung success ko, mabigay ko na lang 'yung buhay ng lola ko," aniya.-- FRJ, GMA News