Para sa beteranang aktres at "Ika-6 Na Utos" cast member na si Odette Khan, natapos na rin ang matagal niyang paghihintay na manalo ng acting award matapos na hirangin siyang Movie Supporting Actress of the Year sa katatapos na 34th Philippine Movie Press Club (PMPC) Star Awards for Movies.

Ang parangal ay para sa pagganap ni Odette sa pelikulang "Bar Boys," na isang law school comedy-drama.

Ayon sa aktres, hinintay niya ang award sa loob ng maraming taon niyang pagiging artista.

"Heaven! Like I said, taos-puso akong nagpapasalamat sa recognition. I will treasure it as long as I live. And I mean it. Wala naman akong maraming kyaw-kyaw. Tuloy-tuloy, 40 plus years 'yun eh," pahayag niya nang makapanayam sa presscon ng bago niyang kinabibilangang proyekto na "Ang Forever Ko'y Ikaw" nitong Biyernes.

Patuloy niya, "Sa napakaraming artista, napakaraming writers and reporters, lahat tayo nagtrabaho nang todo-todo. 'Pag oras mo, oras mo. So akin na 'yun, dahil nasungkit ko talaga. Salamat sa pinaghirapan niyo, lalo na, pinaghirapan ko. The wait is over. It's mine, no one can take it."

Sa GMA hit afternoon series na "Ika-6 Na Utos," tumatak ang karakter ni Odette bilang mabait at loyal na yaya na si Manang Loleng.

Pero sa "Ang Forever Ko'y Ikaw," makikitang muli si Odette sa role kung saan siya mas nakilala —bilang malupit na kontrabida.

 

 

Sa naturang serye, magiging biyenan siya ng karakter ni Camille Prats.

"Well, kaisa-isa kong anak na lalaki, napunta na diyan sa bidang babae (Camille). Dalawa ang apo ko. Eh natigok ang anak ko, the only son. Biglang yaman ako, yumaman sa negosyo kaya wala sa lugar ang mga alahas, natatakot akong maubusan," kuwento ni Odette.

"I don't like her. Nakatira siya sa condominium ng anak ko. Marami siyang kyaw-kyaw eh nandu'n ako, may susi ako. Bahay ng anak ko 'yun kasi bahay ko 'yun," dagdag niya.

Ipapalabas "Ang Forever Ko'y Ikaw" sa Marso 12 bago mag-"Eat Bulaga." -- FRJ, GMA News