Tuloy-tuloy na ang pagpapasaya ng komedyanteng si Boobsie Wonderland matapos niyang pumirma ng exclusive contract sa GMA Network nitong Miyerkoles, Oktubre 25.  Ipinaliwanag din niya kung bakit "baby" ang kaniyang napiling karakter.

Kasama ni Boobsie sa contract signing sina Daryl Zamora, GMA Artist Center Senior Talent Manager, at kanyang asawa at manager na si Joselito Vallero.

 

 

"Hello po mga Kapuso! Ako po si Boobsie Wonderland, ang nagsasabing certified Kapuso niyo!" masaya niyang sabi.

"Malaki po ang tiwala ko sa GMA-7 na mas dito ako magdadalaga. Ang tagal ko na nga pong bata eh, ganyan pa nga lang ako kaliit, bata na ako, tapos ganito na ako kalaki, wala pa rin akong ngipin," pabiro pang sabi ni Boobsie na isang stand-up comedian.

READ: Super Tekla sa pagpirma niya ng kontrata sa GMA: 'Official at legit na Kapuso na ako'

At dahil Kapuso na, natutuwa si Boobsie na mabibigyan na siya ng oportunidad na makapagpasaya ng mga Kapuso sa abroad.

"May nakaabang po sa akin na programa at iba't ibang show abroad at saka local... para po sa inyo kaya ako pumirma. Love ko po kayo. Thank you po mga Kapuso, thank you po Artist Center sa pagtitiwalang ibinigay niyo sa 'kin at finally, isa na po ako sa makakapunta sa iba't-ibang bansa. Yehey!," masaya niyang pahayag.

Sinabi ni Boobsie, o Mary Jane Arrabis sa tunay na buhay, na masaya siya sa kaniyang "baby" character para mapasaya ang mga tao.

"Pag naiisip ko na, 'pag nagsimula na akong mag-baby character at naiisip ko na marami akong mapapasayang tao, wala, walang negative, masaya. Pero may times na 'yung, hindi ko ma-explain eh. Basta 'pag nakapam-baby na ako, iniisip ko na lang na marami akong mapapasaya kaya ko 'to ginagawa," sabi niya nang makapanayam ng GMA News Online.

Kung paminsan, napapatanong din daw siya kung hanggang kailan siya sa kaniyang baby character, pero ito raw ang nagbibigay-buhay sa kaniyang comedy.

"May mga times din na 'pag mag-isa lang ako sa condo, 'Hanggang kailan kaya 'yung pagiging baby ko?' So, may mga times kasi na nilalabas na ako na in my own character, 'yung hindi naka-baby, so, ayun. Basta 'pag naka-baby na ako para na akong sinasapian tapos gusto ko nang makapagpasaya ng mga tao," kuwento niya.

Ibinahagi rin ni Boobsie na nagsimula ang kaniyang baby character noong 2010 sa Klownz, kung saan nadiskubre siya ni Allan K.

"'Pag hindi ako naka-baby character, mukha po akong kapitana eh. So much better yung ganito tsaka nakaktuwa po tsaka sa pansarili ko nakakatuwaan po ako ng buong pamilya. Hindi lang pampamilya, pang-sports pa," masaya niyang pahayag.

Mapapanood si Boobsie Wonderland sa "Sunday PinaSaya" at "Celebrity Bluff."

Kasabay na pumirma ni Boobsie sa kontrata ang isa pang komedyante na si Super Tekla.-- FRJ, GMA News