Sa programang "Tunay Na Buhay," ibinahagi ng dancer-turned-actor na si Michael Flores na hindi sadya ang pagkawala ng kaniyang buhok na nakaapekto noon sa kaniyang career.
Bago nakilala bilang bahagi noon ng sikat na youth-oriented show na "TGIS," miyembro ng sikat na all male dance group na " Manoeuvres" si Michael.
Sa ginawang panayam ni Rhea Santos kay Michael, sinabing nakalbo ang actor na kabilang noon sa sikat na youth-oriented show na "TGIS," dahil sa mga hair treatment na kailangan niyang gawin.
Inamin ni Michael na naging mahirap sa kaniyang career ang pagkawala ng kaniyang buhok dahil magiging limitado na ang role na kaniyang ginampanan.
"Na-anticipate ko 'yon [dadalang ang projects]. Kasi may mga co-actor akong nagsabi na, 'Yung lang Mike magiging limited ang roles mo.' Kasi nga before kasi 'pag bald ka ano lang talaga its either komedyante ka o rapist ka, yung mga ganung roles mabibigay sa'yo," kuwento ni Michael.
Ngunit positibo ang pananaw ni Michael kaya sa kabila ng kawalan niya ng buhok, nakasama pa rin siya sa mga GMA project tulad ng Because of You (2015) at Alyas Robinhood (2016).
Pero bago maging artista, naging miyembro muna ng all-male dance group na The Maneuvers si Michael noong 1990s. Hindi niya inakala na ang pagsayaw nila ng kanyang mga kaklase sa isang debut, mapapansin sila ng naturang dance group, kung saan naging backup dancer pa sila ni Gary Valenciano.
Sa kanyang pagiging miyembro ng The Maneuvers, hindi niya rin inasahan na aalukin siyang mag-audition sa programang "Thank God it's Sabado!" (T.G.I.S.).
Dito na nagsimula ang career ni Michael bilang isang aktor, kung saan nakasama rin niya sina Bobby Andrews at Angelu de Leon.
Panoorin ang bahagi ng panayam sa "Tunay Na Buhay" ni Michael Flores:
-- FRJ, GMA News