Nagluluksa at nakikiramay ang local showbiz industry sa mag-asawang Randy Santiago at Marilou Coronel sa pagpanaw ng kanilang 24-anyos na anak na si Ryan Leonard.
Ang malungkot na balita ay kinumpirma sa GMA News ni direk Rowell Santiago, kapatid ni Randy, na isa ring direktor.
Si Ryan ay pangalawa sa tatlong anak nina Randy at Marilou.
(IMAGE Courtesy: @ryancsantiago Instagram / Facebook)
Sa isang ulat naman ni Arniel Serato sa PEP.ph, sinabing Linggo ng gabi ng pumanaw si Ryan.
Ayon umano sa tiyuhin ni Ryan na si Reily Santiago, mayroong rare brain disease at multiple sclerosis ang kaniyang pamangkin.
Sa isang Instagram post, inihayag ng anak ni Marjorie Barretto na lifestyle at fashion blogger na si Dani Barretto, ang kalungkutan sa pagpanaw ni Ryan.
“What I would give just to see your beautiful smile and feel your warm embrace again. Rest in Peace, Ry... Words cannot express the pain I am feeling right now, but what comforts me is that I know you're in a better place now and you're not hurting anymore. I love you with all my heart,” saad ng dalaga.
-- FRJ, GMA News