Excited na si Glaiza de Castro sa pagbisita ng kaniyang karakter sa "Encantadia" na si Sang'gre Pirena sa Kapuso hit primetime series na "Mulawin Vs Ravena."
Abala man si Glaiza sa promotion ng kanyang album na 'Magandang Simulain,' hindi niya pinalampas ang pagkakataong muling bigyang-buhay si Pirena para makasama ang mga taong ibon sa 'Mulawin versus Ravena.'
"Na-excite ako kasi ang dami kong mga kaibigan do'n eh. Si Chynna [Ortaleza] nando'n. Mga nakatrabaho ko na before, si Dennis [Trillo], si Bea [Binene], si Derrick [Monasterio], and bilang Pirena, na-e-excite ako ulit lumaban," pahayag ni Glaiza sa Chika Minute report ng "24 Oras" nitong Miyerkules.
Una rito, napili bilang ambassadress ng Philippine Chinese Charitable Association, Inc., si Glaiza, ang pinakamatandang charitable organization sa Pilipinas, na umaabot na sa 140 taon.
Pumirma ang Kapuso actress ng memorandum of agreement para maging kinatawan ng PCCAI.
"Nakakatuwa nga po eh, kasi hindi siya 'yung pinlano ko eh. Kusa na lang siyang dumating. Siguro nga nili-lead ako ni Lord du'n sa kung saan Niya ko gustong ipunta," pahayag ng aktres.
Ngayon pa lang ay nakahanda na ang mga pupuntahan ni Glaiza kasama ang members ng organisasyon para sa kanilang charity works.
"They're very open to collaborating and doing things together kasi, kumbaga, parang isa lang ang naging aim namin eh, to reach a wider spectrum or audience," saad niya. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News