Dahil ilang beses nang nagkatambal sa mga proyekto sina Bea Binene at Derrick Monasterio tulad ngayon sa Kapuso primetime series na "Mulawin vs Ravena," muling natanong ang dalawa sa tunay na estado ng kanilang relasyon.
Sa press con na ginanap nitong Huwebes ng gabi sa GMA Network building, tinanong ng mga mamamahayag si Derrick kung sila na ba ngayon ng aktres.
“'Wag po muna kasi mahirap 'pag love team mo, girlfriend mo rin. Maraming away,” paliwanag ng aktor.
Sakali mang magka-boyfriend si Bea, sinabi ni Derrick na hindi naman daw niya mamasamain.
“Babagal lang ang relationship namin ng konti. Pero hindi naman ako magseselos, kasi at the end of the day, okay pa rin sa 'kin kung ano 'yung magpapasaya sa kanya,” paliwanag ni Derrick na gumaganap bilang si Almiro.
Sinabi naman ni Bea na single siya ngayon.
“Basta single po ako. Hindi naman po ako not ready to mingle, it's just that, right now, I know my responsibilities and goals,” ayon sa dalagang gumaganap bilang si Anya.
Samantala, ine-enjoy naman daw si Kiko Estrada sa kanyang role bilang si Rafael, ang karibal ni Derrick sa pag-ibig kay Bea.
“I read my script. Dinadamdam ko talaga. Before takes, I don't usually talk to people, kasi gusto kong mabilis matapos,” pagbahagi ni Kiko. “I do what I'm told. The director guides me and the script is so nice so I'm just trying to do my best.”
Mensahe naman niya sa mga manonood na naiinis na sa kaniyang karakter, “I Love you guys. I have nothing but love. So peace and love.”
“Marami po silang aabangan sa character ni Rafael, at ang buong kwento ng Mulawin vs Ravena kaya guys, please support us,” ayon kay Kiko.
Mapapanood gabi-gabi ang "Mulawin Vs Ravena sa GMA Telebabad.-- FRJ, GMA News