Nalagay sa panganib ang buhay ng isang batang babae matapos siyang dumiretso palabas ng gondola na walang harang at mapakapit sa mga bakal ng Ferris wheel na kaniyang sinakyan sa Uttar Pradesh, India.

Sa video na ibinahagi ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang pagtangka ng isang lalaki na abutin at sagipin ang bata, pero nabigo siya.

Pinakalma niya na lamang ang bata samantalang iniikot ng operator ang Ferris wheel.

Sa isang punto ng insidente, nakatiwarik na ang bata pero hindi pa rin siya bumibitaw sa mga bakal.

Kalaunan, tuluyan ding naibaba ang babae. Tumagal ng isang minuto ang kaniyang pagsagip.

Sa kabutihang palad, hindi nagtamo ng anumang sugat ang bata.

Walang linaw kung may kasama ang bata noon sa ride.

Naganap ang insidente sa isang fair.

Batay sa mga ulat, dumausdos ang bata mula sa kaniyang upuan at dumiretso palabas ng gondola.

Base na rin sa imbestigasyon ng mga awtoridad, oversized ang mga gondola at walang no-objection certificate ang operator bilang patunay na ligtas ito.

Patuloy ang imbestigasyon hinggil sa iba pang posibleng paglabag ng nagpapatakbo ng fair.

Hindi pa naglalabas ng panig ang fair. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News