Nasawi ang isang batang pitong-taong-gulang matapos siyang aksidenteng tamaan ng bala mula sa baril na nakita ng kaniyang 13-anyos na kuya sa Maynila. Ang baril, service firearm ng kanilang ama na isang pulis.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, lumitaw sa imbestigasyon ng Manila Police District’s (MPD) homicide section, na nakita ng binatilyo ang baril ng kanilang ama sa drawer at pumutok.
Tumagos ang bala sa silid kung saan natutulog ang biktima at tinamaan sa tagiliran ng katawan.
Isinugod ang bata sa ospital pero binawian din ng buhay.
“Nabuksan itong drawer at nakita niya yung baril at sa hindi malamang kadahilanan pumutok po yung baril. Tumama naman sa isang cabinet hanggang sa lumusot po doon sa kabilang kuwarto kung saan natutulog yung kaniyang kapatid,” sabi ni MPD-Homicide chief Police Captain Dennis Turla.
Bukod sa hinagpis sa pagkasawi ng bunsong anak, labis ding nag-aalala ang ama sa kalagayan ng kaniyang binatilyong anak.
“Nangyari 'yan baka pinagkaloob ng Diyos. Walang may gusto nun. [Sa aking anak,] huwag mo sisihin sarili mo,” saad ng ama.
“[‘Yung] nangyari sa mga anak ko, 'yun ang pinakamabigat sa 'kin. Mahirap tanggapin. Sakit sa kalooban,” dagdag pa ng ama na posibleng maharap pa sa kasong administratibo at kriminal dahil sa nangyaring trahediya sa kanilang pamilya.-- FRJ, GMA Integrated News