Timbog ang isang 20-anyos na lalaki matapos holdapin at tutukan ng patalim ang isang babae sa San Mateo, Rizal.
Aabot sa P60,000 halaga ng gamit ang natangay sa biktima.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing naganap ang insidente pasado 10 p.m. noong Linggo. Parehong residente ng Barangay Silangan ang suspek at ang biktima, ayon sa pulisya.
Ayon sa 35-anyos na biktima, pauwi na siya galing sa trabaho nang maganap ang insidente.
“Kabababa ko lang po ng jeep galing pong work. Kasi umuulan, parang konti lang, wala akong kasabay na naglalakad. ‘Yun pala, siguro ano, ando’n lang siya nakatago. Sa likod, bigla na niya akong sinakal dito tapos may nakatutok na ice pick. Nagsisigaw-sigaw na po ako pagkakuha sa bag ko. Ang bilis niya ring tumakbo eh,” sabi ng babaeng biktima.
Natangay umano ang kaniyang bag na naglalaman ng ilang gadget, kabilang ang cellphone, mga ID, at ATM cards.
Nagtungo ang biktima sa barangay at doon siya nagpa-blotter.
Nagtamo ang biktima ng mga galos at pasa sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Pagkaraan ng apat na oras, nadakip ng mga awtoridad ang suspek na kinilalang si “Alyas Tikas.”
Hindi na nabawi ang mga nanakaw na gamit ng biktima, ngunit nakuha mula sa suspek ang ginamit niyang ice pick, bolo, at umano'y marijuana at shabu.
Itinanggi ng suspek ang akusasyon laban sa kaniya at iginiit na pauwi na siya noon galing trabaho kasama ang kaniyang pinsan.
Napadaan lang umano siya sa pinangyarihan ng insidente at napagbintangan lang.
“Wala po talaga akong alam sa panghoholdap na nangyari po noon. Napagbintangan lang po. Dinampot lang po nila ako nang biglaan na binugbog po agad nila,” anang suspek.
Ngunit batay sa tala ng pulisya at barangay, dati nang nabilanggo ang suspek sa kasong illegal possession of bladed weapon noong Abril at nakalaya noong Mayo nitong taon.
Nakakulong ang suspek sa custodial facility ng San Mateo Municipal Police. Mahaharap siya sa reklamong robbery with violence, illegal possession of bladed weapon, at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News