Inihayag ng Armed Forces of the Philippines na mayroong nagtapos na kadete sa Philippine Military Academy (PMA) noong Mayo ang nanghingi ng relo ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. Pero hindi tiyak kung ito ang insidente na binabanggit ni Vice President Sara Duterte na dahilan ng kaniyang pagkainis umano sa Punong Ehekutibo.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing kapuwa dumalo sina Marcos at Duterte sa naturang graduation ceremony sa PMA noong nakaraang Mayo sa Baguio City.
Sa presscon ni Duterte nitong nakaraang linggo, sinabi niya na naramdaman niyang "toxic" na ang samahan nila ni Marcos dahil sa insidente sa isang graduation ceremony. Masama umano ang kaniyang pakiramdam noon at hindi niya nagustusan ang naging tugon umano ni Marcos nang hingin ng nagtapos na estudyante ang relo ng pangulo bilang graduation gift.
"Sabi nung graduate, Mr. President can I have your watch as a graduation gift? Ang sagot niya, why, why would I give you my watch?" kuwento ni Duterte.
"I imagine myself cutting his head. So no'n, na-realize ko toxic na di ba, ganiyan na yung imagination mo, sinasakal mo na yung tao. Then I said this is over," sabi pa ng pangalawang pangulo.
Sa video ng naturang graduation sa PMA, makikita na inilapit ni Marcos ang kaniyang ulo sa nagtapos na kadete na tila may sinabi. Pero walang relo na ibinigay ang pangulo at naging maigsi lang ang naturang tagpo.
Ayon sa tagapagsalita ng AFP, hindi karaniwang ginagawa ng kadete ang paghingi ng kahit anong regalo at hindi iyon katanggap-tanggap na asal.
Pinatawan umano ng parusa ang naturang kadete.
"It's actually an isolated case that does not reflect the overall culture and training of academy. Ito, ang nangyari dito, it was in a moment of euphoria," sabi ni Colonel Francel Margareth Padilla, AFP spokespersonn.
Ayon pa kay Padilla, bagaman pinarusahan, hindi naman pinatalsik ang naturang kadete, na nakatalaga na ngayon sa Philippine Air Force.
Napag-alaman naman na may katulad na insidente na nangyari noong 2019 nang hingin ng nagtapos na kadete ang relo nang noo'y pangulo na si Rodrigo Duterte.
Ibinigay naman ni Duterte ang suot niyang relo sa kadete.-- FRJ, GMA Integrated News