Inanunsyo ng Malacañang ngayong Huwebes na suspendido ang klase sa mga paaralan at walang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa mga lungsod ng Maynila at Pasay sa October 14 at 15 ( Lunes at Martes) dahil sa idaraos na Asia-Pacific Ministerial Conference on Disaster Risk Reduction (APMCDRR), na pangungunahan ng Pilipinas.
Ayon sa anunsyo na naka-post sa Facebook page ng Presidential Communication Office, suspendido ang klase sa mga paaralan sa lahat ng antas.
Ipinapaubaya naman sa mga pribadong kompanya at opisina ang desisyon kung magsususpinde rin ng pasok sa trabaho ang kanilang mga manggagawa.
"In view of the numerous participants expected to travel to and within the cities of Manila and Pasay on 14 and 15 October 2024 for the opening of APMCDRR in PICC, and to allow for the organized conduct of the APMCDRR, work in government offices and classes at all levels in the cities og Manila and Pasay shall be suspended on 14 and 15 October 2024," nakasaad sa Memorandum Circular No. 66.
Samantala, inihayag din ng Malacañang na tuloy naman ang operasyon sa naturang dalawang araw na nabanggit ang mga tanggapan ng gobyerno na ang tangkulin ay nagkakaloob ng basic and health services, disaster preparedness, at iba pang mahahalagang serbisyo
May tema ang naturang pagtitipon na “Surge to 2030: Enhancing Ambition in Asia-Pacific to Accelerate Disaster Risk Reduction,” na gaganapin sa Philippine International Convention Center. -- FRJ, GMA Integrated News