Binaril at napatay malapit sa kaniyang bahay ang hepe ng Police Station 2 sa Cagayan de Oro City.
Sa ulat ni Alwen Saliring sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing kalalabas lang ng kaniyang sasakyan ang biktimang si Police Captain Abdulcahar Armama, nang barilin siya ng salarin nitong Sabado ng gabi sa Barangay Bulua.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital si Armama, na nagtamo ng tama ng bala sa ulo.
Ayon kay Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) Spokesperson, Leiutenant Colonel Evan Viñas, sinisiyat ng mga imbestigador ang lahat ng posibleng motibo sa nangyaring krimen.
“All angles will be opened from his work performance, family background and other angles,” ani Viñas.
Kinondena rin ng Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) ang pagpatay kay Armama na tiniyak na mananagutin sa batas ang nasa likod ng krimen.
“Such an act of violence against those who dedicate their lives to serving and protecting the community is abhorrent and unacceptable,” ayon sa pahayag ng PRO-10.
Nanawagan ang pulisya sa may nalalaman sa nangyaring pagpatay kay Armama na makipagtulungan sa imbestigasyon ng mga awtoridad.--FRJ, GMA Integrated News