Mababawasan ng kaunting gastos ang mga motorista na gasolina ang gamit na krudo sa kanilang sasakyan sa susunod na linggo.
Batay sa galaw ng kalakalan ng krudo sa world market sa nakalipas na apat na araw, tinataya ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, na matatapyasan ang presyo sa gasolina pero magkakaroon naman ng pagtaas sa presyo ng diesel at kerosene.
Ang posibleng galaw sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod ay:
Gasoline - bawas ng P0.50 hanggang P0.70 per liter
Diesel - taas ng P0.40 hanggang P0.70 per liter
Kerosene - taas ng P0.15 hanggang P0.35 per liter
Ayon kay Romero, ang inaasahang pagtaas sa presyo ng diesel at kerosene ay bunga ng mga ulat sa inaasahang ganti ng Israel sa Iran, at puntiryahin ang mga oil infrastructure nito na posibleng makaapekto sa supply.
May epekto rin umano sa inaasahang price hike ang “disruptions in oil and gas in Southeast US due to Hurricane Helene.”
Ang inaasahang rollback naman sa gasolina ay sanhi ng “balance of weak global demand growth and a positive supply outlook,” ayon sa opisyal.
Tuwing Lunes iaanunsyo ng mga oil companies sa bansa ang price adjustments at ipatutupad sa susunod na araw ng Martes.
Nitong nakaraang Martes, nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng gasolina na P0.45 per liter, ganoon din sa diesel na P0.90 per liter, at P0.30 per liter sa kerosene.--FRJ, GMA Integrated News