Maagang natuldukan ang buhay ng 7 anyos na si James Abarabar matapos siya mamatay dahil umano sa tuklaw ng ahas.
Ayon sa ina ni James na si Czarina Abarabar, natutulog sa sahig ang anak niya nang mabilisan niya itong pinalabas ng bahay nang mapansin niya ang gumagalaw na ahas sa may pintuan.
Nagreklamo na raw kalaunan si James dahil sa iniinda niyang sakit sa tiyan.
“Sabi niya, ‘Ang sakit ng tiyan ko, ma. Tulungan mo ako.’Tapos iyon, tumawag ako sa asawa ko. Sabi ko, “Iyong anak mo, nagdedeliryo, namumutla na, masakit daw tiyan niya tapos uhaw na uhaw siya. Puro siya tubig nang tubig tapos ‘yon, suka siya nang suka,” kuwento ni Czarina.
Makalipas ang ilang oras, tinakbo na nila sa ospital si James pero idineklara na itong dead on arrival.
Ayon sa death certificate ni James, dehydration at sakit sa tiyan ang ikinamatay ng bata.
Huli na raw nang napansin nila na may sugat sa kamay si James dahil umano sa tuklaw ng ahas.
“May nakita akong mark dito sa may kamay niya. Tapos sabi ko sa asawa ko, ‘Da, baka nga natuklaw siya ng ahas kasi may ano siya rito,’” ani Czarina.
Labis naman ang pagsisisi ng ama ni James na si Bryan Abarabar dahil nasa trabaho siya habang nagaagaw-buhay ang kaniyang anak.
“Iyak ako nang iyak. Sama ng loob kasi nasa malayo ako noong mawala siya. Hindi ko man lang nasilayan…Patawarin mo ako kung hindi kita nakita. Hindi kita nayakap sa huling pagkakataon. Sobrang sorry talaga, ‘nak,” ani Bryan.
Ayon kay Jonathan Curioso, purok leader ng Bagong Silang, bihira lang silang makatanggap ng report tungkol sa pag-atake ng ahas sa mga tao sa barangay.
Gayunpaman, mas maghihigpit daw sila sa pagbabantay para maiwasan na mangyari ito ulit.
“Paiigtingin pa namin ang pagbabantay sa mga ganiyang scenario para maiwasan, hanggat maari, iyong sa atake ng ahas sa mga tao,” ani Curioso.
Dagdag pa niya, lagi nilang pinapaalahanan ang mga residente na tumawag ng tauhan ng barangay tuwing may makikitang ahas sa barangay, lalo na tuwing tumataas ang ilog bunsod ng sunud-sunod na bagyo at malakas na pag-ulan. — BAP, GMA Integrated News