Apat na buwan pa lang sa kaniyang posisyon, umugong ang umano'y plano na alisin sa puwesto bilang Senate President si Francis “Chiz” Escudero. Pero ang ilang senador, itinanggi na may nilulutong kudeta sa kapulungan.
Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Lunes, itinanggi ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang naturang usap-usapan ng kudeta, at siya umano ang ipapalit kay Escudero.
“May haka-haka dito sa Senado na ako raw ‘yung papalit na Senate President. Hindi po totoo ‘yan at wala po akong balak,” ayon kay Estrada.
“Nagtataka ako, nagugulat ako doon sa mga kumakalat na mga usap-usapan na papalitan na raw ang ating Senate President. Wala pong katotohanan ‘yan,” dagdag niya.
Aminado naman si Estrada na nadinig niya ang ugong ng kudeta ilang linggo na ang nakalilipas pero hindi umano ito nanggaling sa kaniya.
“Hindi ako. Narinig ko merong iba,” saad ni Estrada, at nilinaw na walang lumalapit sa kaniya tungkol sa naturang usapin.
Naniniwala rin si Estrada na suportado pa rin ng mayorya ang liderato ni Escudero, na pumalit kay Senator Juan Miguel "Migz" Zubiri bilang lider ng Senado noong nakaraang Mayo.
Si Escudero, itinanggi rin na may plano na alisin siya sa puwesto.
Ayon kay Estrada, hindi rin maganda para sa kapulungan at sa legislative agenda kung magkakaroon muli ng pagbabago sa liderato ng Senado.
Maging sina Senador Ronald "Bato" dela Rosa at Senate Minority Leader Aquilino "Koko" Pimentel III, sinabing wala silang nababalitaan na planong pagpapalit ng liderato sa Senado.
Ayon naman kay Senator Loren Legarda, nakatuon silang mga senador sa kanilang trabaho.
Inihayag naman Senador Cynthia Villar, na hindi siya kasama kung may kudeta man na mangyayari sa Senado.— mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News