Arestado ang tatlong tulak umano ng iligal na droga sa ikinasang drug buy bust operation ng mga operatiba ng Taytay Drug Enforcement team sa Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal madaling araw nitong Miyerkules ng madaling araw.
Kinilala ang mga suspek na sina 'Alyas Tatay,' 50-anyos; 'Alyas Che,' 47-anyos, manicurist at si 'Alyas Loloy,' 31-anyos na tricycle driver.
Naaresto ang tatlo matapos isagawa ang naturang operasyon matapos umanong positibong mabilhan ng isang pulis na nagpanggap na buyer ang mga suspek ng isang pakete na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu.
Habang narekober naman kay 'Alyas Tatay' ang 7 pakete na naglalaman ng umano'y shabu.
Samantala nakumpiska naman kay 'Alyas loloy' ang 2 pakete ng hinihinalang shabu at narekober din sa kanya ang isang unit ng baril na pistol .45 caliber, 7 bala, at 1 magazine.
Sa kabuuan, ang mga nahuling droga ay may bigat na mahigit kumulang 50 gramo na nagkakahalaga ng p340,000.00.
“Bali yun pong dalawang suspect, magka live in partner. 'Yun pong isa, bali po nagpunta doon para kumuha ng drug para magtinda din… ang magka live in po ay si 'Alias Tatay' at 'Alias Che.' Yung pong nandun na kumuha ng droga ay si 'Alias Loy' na nakuhanan ng baril,” sabi ni Police Capt. Edwin Mejorada ng Taytay Municipal Police Station.
Itinanggi ng mag live-in partner na mga suspek ang pagbebenta nila umano ng iligal na droga.
“Hindi po pagbebenta…. Hindi po lahat yun ay akin. Nung pagkuha ko, idinaan sa akin nung isa, sabi paiwan muna dyan tatay, babalikan ko,” ayon kay 'Alyas Tatay.'
“Gumagamit po siya, pero hindi ko siya nakikita na nagbebenta po ma'am. Kahit I-drug test pa 'nyo ako, wala akong ginagamit na droga,” sabi naman ni 'Alyas Che.'
Umamin din si 'Alyas Loy' na gumagamit siya ng iligal ng droga. Pero aniya, nadamay lang siya sa naganap na pang aaresto.
“Parang napagbintangan lang po ako doon na ako po yung taong hinahanap nila… Di ko nga po kilala yung dalawang mag asawa na yun,” sabi ni suspek.
Itinanggi rin niyang sa kanya ang nakumpiskang baril.
Kasalukuyang nakakulong sa Taytay Custodial Facility ang nasabing mga suspek na nahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. --VAL, GMA Integrated News